BINALAAN ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang publiko laban sa mapanlinlang na tawag o mensahe sa cellphone at online.
Napag-alaman na may ilang indibidwal ang nakatatanggap ng “Phishing messages” na kunwari ay magbibigay ng mensahe na meron kang natanggap na parcel at hindi ito maidedeliver, at kinakailangan na meron kang i-click na link na magdadala sa iyo upang makuha ang mga personal na impormasyon.
“Pinapaalalahanan po natin ang publiko na mag-ingat sa mga click bait na modus ng mga scammers,” pagbibigay diin ni Postmaster General (PMG) Luis Carlos.
Binanggit ng PHLPost sa kanilang public advisory na hindi ito tumatawag o nagbibigay ng mensahe sa mga kliyente nito para sa anomang transaksyong pinansyal.
Ayon sa PHLPost, ang mga parsela ay may tracking number na maaari nilang i-check sa kanilang website na www.phlpost.gov.ph.
Sinabi ng PHLPost na isang uri ng modus operandi ang “Phishing” upang maakit ang ilang indibidwal na puntahan ang link at makakuha ng mahahalagang personal o pinansyal na impormasyon sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang lehitimong kompanya o indibidwal gamit ang text, tawag, mensahe online at iba pa.
Paalala ng PHLPost, sakaling makaranas nito, siyasatin muna ang impormasyon at huwag i-click ang link na nakalagay sa mensahe. Huwag din aniyang pansinin ang mga mensahe na hindi kilala ang nagpadala.
Ayon kay PMG Carlos, “Nais din nating pakiusapan ang mga Telcos o Telecommunication companies na gumawa ng paraan upang mablock ang mga hindi kilala o kahina-hinalang mensahe na ipinapadala sa cellphone na naglalaman ng mga ganitong uri ng scam “.
235