SA nakalipas na anim na taon, mistulang kontrapelo sa gobyerno ang Commission on Human Rights (CHR) na hayagang bumabatikos sa umano’y mga insidente ng pang-aabuso sa hanay ng mga unipormado at taong gobyerno.
Ang totoo, angkop lang namang isulong ng CHR ang karapatang pantao lalo pa’t iyon mismo ang buod ng kanilang mandato.
Pero teka, bakit parang tikom ang CHR sa abang estado ng mga bilanggo?
Ayon mismo sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), ang mga bilanggo na pansamantalang namamahay sa 337 sa 474 piitang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ay hindi makatao ang kalagayan.
Hindi kalayuan sa tanggapan ng CHR ang San Mateo Municipal Jail sa lalawigan ng Rizal. Sa datos ng CHR, 2,896% ang congestion rate sa nasabing piitan. Ang ibig sabihin – imposible ang matulog nang nakahiga ang mga preso. Pwedeng nakatayo, nakaupo o ‘di naman kaya’y palitan kada isa o dalawang oras.
Ang siste, hindi lang ang San Mateo Municipal Jail ang ganito ang sitwasyon. May 336 BJMP facilities din ang dapat nilang bisitahin para sa angkop na mekanismong batay sa kanilang mandato.
Malinaw na hindi makatao ang kalagayan ng mga presong hindi pa man nahatulan ng husgado’y dumaranas na ng impyerno.
‘Yan ang dapat atupagin ng CHR.
203 