MAGDAMAGAN ang pila ang mga motorista na nais sumailalim sa libreng pagsusuri sa COVID-19 sa Drive-Thru testing center sa Independence Road, Quirino Grandstand sa Ermita Manila.
Napag-alaman mula kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, umabot na sa 5,000 katao ang na-test nang libre ng lokal na pamahalaan ng lungsod sa Drive-Thru at Walk-in testing centers, isang linggo na ang operasyon hanggang nitong Biyernes.
Sa nabanggit na bilang, 667 ang nagpositibo sa coronavirus gamit ang serology testing machine at tiniyak na protektado ang pagkakakilanlan ng mga nagpositibo sa nasabing sakit.
Nabatid na 4,000 ang nag-avail ng Drive-Thru testing centers habang 1,000 naman sa Walk-in testing centers.
Nabatid na dalawang Drive-Thru testing center ang binuksan ng lokal na pamahalaan, ang isa ay matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan sa tabi ng Manila City Hall at sa Quirino Grandstand, habang ang tatlong Walk-in testing centers ay nasa Gat Andres Bonifacio
Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at Justice Jose Abad Santos General Hospital.
“It only proves that people will voluntarily submit him or herself to test, as long as it is accessible and as much as possible affordable or free,” ayon sa alkalde.
“So, kung ganoon ang damdamin ng tao, I think doon tayo pumunta kasi hindi na natin sila hahanapin para ipa-test kasi kusa na silang pumupunta,” dagdag pa ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)
