(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PINALAGAN ng industriya ng turismo at maging ng mga netizen ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi ligtas ang Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa Hotel Sales and Marketing Association’s (HSMA) Sales and Marketing Summit kamakailan, sinabi ni Remulla na, “Ayaw ng mga tao pumunta sa bansa dahil hindi sila nakakaramdam ng kaligtasan. Natatakot sila. May sinisismo sa mga masasamang balita dito, sa political atmosphere, at parang normal na lang ang patayan kaya natatakot ang mga tao.”
Dahil dito, binatikos ang kalihim ng mga lider ng industriya ng turismo at maging sa social media.
Para sa mga stakeholder ng turismo, tinawag nila ang pahayag na hindi lamang maligoy kundi lubhang nakasisira sa reputasyon ng bansa bilang destinasyon ng mga turista. Ngunit hindi lang mga opisyal ng industriya ang nadismaya—maging ang ordinaryong mamamayan ay nagpakita ng galit sa social media, kung saan binatikos si Remulla sa kanyang tila pagsuko sa negatibong imahe ng bansa.
Ang pahayag ay lumabas isang araw matapos tutulan ng Department of Tourism (DOT) at iba’t ibang grupo ang “HelloSafe Safety Index 2025,” na nagturing sa Pilipinas bilang “least safe” na bansa para sa mga turista.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, ang naturang survey ay “batay sa kaduda-dudang datos, walang transparency, at hindi sumasalamin sa tunay na kalagayan sa bansa.”
Sumuporta rin ang mga lider ng industriya sa panawagan ni Frasco.
Ayon kay Arthur Lopez, pangulo ng Philippine Hotel Owners Association (PHOA), ang mga ganitong pahayag—lalo na kung mula pa mismo sa opisyal ng gobyerno—ay maaaring makasira sa mga pinaghirapan ng sektor ng turismo upang makabawi matapos ang pandemya.
Sinabi naman ni Maria Paz Alberto, pangulo ng PIATA at chair ng PATA Philippines Chapter, ang maling naratibo ay naglalayo sa mga potensyal na turista at nagdudulot ng pangmatagalang epekto sa mga negosyo. Habang para kay PHILTOA President Arjun Shroff, kailangang maingat at positibo ang mensahe ng gobyerno upang mapanatili ang tiwala sa kakayahan ng bansa na protektahan ang mga bisita.
Ibinahagi rin ng PDP-Laban sa kanilang Facebook page ang pahayag ni Remulla na umani ng samu’t saring reaksyon sa mga netizen.
Isa sa mga komento ay: “Imbes na ipagtanggol ang bansa, parang sinang-ayunan pa ang travel advisories. Nakakahiya.”
Isa pa: “Para kang tagapagsalita ng mga dayuhan, hindi ng gobyerno.”
Para sa marami, hindi lang ito usapin ng maling pananalita—ito ay may direktang epekto sa imahe ng bansa.
“Persepsyon ang bumubuhay sa turismo,” ayon sa isang opisyal ng travel agency.
“Kapag ang isang mataas na opisyal ng gobyerno ang siyang nagpapalala sa maling persepsyon, doble ang pinsala.”
Hanggang sinusulat ito ay wala pang paglilinaw hinggil dito si Remulla.
