PILIPINAS NAGPAKITANG GILAS SA 2020 TOKYO OLYMPICS

GUMAWA ng kasaysayan ang mga atletang Filipino na kumatawan sa bansa sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapag-uwi ang bansa ng gintong medalya dala ng weightlifter at two-time Olympic medalist na si Hidilyn Diaz.

Ito rin ang unang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon na muling makapag-uuwi ng higit isang medalya ang bansa dahil sa kahusayang ipinamalas ni Pinay Boxer Nesthy Petecio na lalaban para masungkit ang ikalawang ginto ng Pilipinas.

Tinalo ni Diaz ang walong weightlifter sa Women’s 55-kg category, kabilang ang world record holder na si Liao Quiyun ng China.

Nasa 224-kg ang kabuuang bigat ang binuhat ni Hidilyn (94-kg sa Snatch at 127-kg naman para sa “Clean & Jerk”).

Ang kanyang rekord sa Clean & Jerk at ang 224-kg na kabuuang binuhat ay nakapagtala ng Olympic record para sa kategorya.

Nananatiling malaki ang pag-asang maiuwi ni Nesthy Petecio ang ikalawang ginto para sa bansa nang talunin nito ang pambato ng Italy na si Irma Testa sa women’s ­featherweight class sa boxing.
Si Petecio ang kauna-unahang Pinay boxer na makapag-uuwi ng medalya para sa Pilipinas.

Ito rin ang unang medalya sa loob ng 24 taon na maiuuwi ng ating boxing team matapos ang pagkapanalo ni Mansueto “Onyok” Velasco ng silver medal noong 1996 Atlanta Olympics.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 89 taon na makapag-uuwi ng higit sa isang medalya ang Pilipinas.
Ito ay huling nangyari noong 1932 Summer Olympics na ginanap sa Los Angeles kung saan nanalo ang bansa ng tatlong bronze medal.

Nagpahayag ng kagalakan ang isa sa mga pinakamalaking pangalan na tumatangkilik at sumusuporta sa industriya ng isports, ang negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan o MVP.

Sa pamamagitan ng kanyang MVP Sports Foundation (MVPSF),  lubos ang suporta nito kay Hidilyn at sa marami pang atleta sa bansa.

Mula nang ito ay binuo noong 2011, layunin na ng MVPSF ang matulungan ang mga atletang Filipino na makamit ang kauna-unahang gintong medalya sa Olympics.

Sa wakas, ito ay naisakatuparan sampung taon matapos simulan nito ang pagbibigay ng suporta sa mga atleta ng bansa.

Ang tagumpay na nakamit ng ating mga atleta sa Olympics ay patunay na mahalaga ang pagkakaroon ng magagandang programa at matinding suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor.

Ang tagumpay ni Hidilyn Diaz ay patunay na kayang makipagsabayan ng mga atletang Filipino, at manaig bilang kampeon.

346

Related posts

Leave a Comment