PILOT INSTRUCTOR, TRAINEE LIGTAS SA EMERGENCY LANDING

NAKALIGTAS sa posibleng kamatayan ang isang pilot instructor at ang kanyang trainee matapos sapilitang mag-emergency landing sa isang madamong bukirin sa Barangay Lalangan, Plaridel, Bulacan, nitong Miyerkoles ng umaga.

Nangyari ang nasabing landing incident ng PA 38 Tomahawk (2-seater training plane) bandang alas-9:30 ng umaga nang biglang huminto ang makina ng eroplano habang nasa kalagitnaan ng flight training.

Kinilala ang pilot instructor na si Velentine Bartolome, 50, binata at residente ng Antipolo City, at ang pilot student ay si David John Cayaban, 25, binata, residente ng Las Piñas City.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa piloto, nag-take off sila bandang alas-9:15 ng umaga sa Flight Line (Flying school) sa Brgy. Lumang, Bayan, Plaridel, Bulacan.

Habang nasa kalagitnaan ng pagsasanay sa paglipad ay napag-alaman ng pilot instructor na biglang huminto ang makina ng nasabing eroplano (diumano’y engine failure).

Dahil dito, napilitan ang piloto na gamitin ang grass field bilang emergency landing area.

Kapwa ligtas naman ang mga biktima bagama’t sumadsad ang eroplano sa madamong bahagi ng bukid sa nasabing lugar.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang CAAP Security Intelligence Service hinggil sa insidente. (ELOISA SILVERIO)

20

Related posts

Leave a Comment