Pinababasura ng solon CDE NG LTO ILLEGAL

IPINABABASURA ng isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Comprehensive Driver’s Education (CDE) ng Land Transportation Office (LTO) dahil wala umano itong legal na basehan.

Sa House Resolution (HR) 2325 na inakda ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, sinabi nito na ang CDE ay dagdag na gastusin lang sa mga Filipino lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ang CDE ay bagong requirement na itinakda ng LTO sa mga driver na magpapa-renew ng kanilang lisensya dahil ipatutupad na ang Republic Act No. 10930 o 10 taon na bisa ng driver’s license.

“While the LTO is invoking Republic Act No. 10930, there is no provision in the law which explicitly states that a certification for a CDE is required for renewing a driver’s license,” ani Rodriguez.

Hindi umano dapat binabago ang LTO o ano mang ahensya ng gobyerno ang batas na ginagawa ng Kongreso na magpapahirap lang sa mamamayan kaya pinagpapaliwanag ng mambabatas ang nasabing ahensya ukol sa CDE.

“The Supreme Court has repeatedly ruled that the spring cannot rise higher than its source and implementing rules must conform to the language of the law,” ayon pa sa mambabatas.

Hindi binili ng mambabatas ang katuwiran ng LTO na libre ang CDE kapag idinaan ito sa LTO website subalit kapag kinuha ito sa LTO-accredited driving schools ay magbabayad ang mga tao ng P1,000 hanggang P3,000.

“This could be another source of red tape, harassment and corruption,” dagdag pa ng mambabatas, kaya dapat umano itong ibasura bago ipatupad ngayong buwan ng Nobyembre. (BERNARD TAGUINOD)

97

Related posts

Leave a Comment