Pinaglaruan ng netizens “CRAZY RICH DENR”

UMIIKOT ngayon sa social media ang iba’t ibang larawan at komento patungkol sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng proyektong paglalagay ng white sand sa Manila Bay gamit ang dolomite.

Muling lumabas ang malilikot na imahinasyon ng Pinoy sa mga larawan na nagkukumpara sa pamosong Marina Bay Sands ng Singapore sa tinawag nilang Manila Bay Sands ng Pilipinas.

Tweet ni @zalthehuman: “Will Marina Bay Sands sue Manila Bay Sands for copyright? lol” “The news was brought to you by the newest attraction in town… The Manila Bay Sands,” ayon naman kay @habagatcentral.

Sarkastiko naman ang tweet ni @jonasrookie, na “Manila Bay Sands”. Singapore, we’re getting there.

Tinatambakan na ng white sand galing Cebu ang bahagi ng Baywalk sa Manila Bay at ayon sa DENR, bahagi ito ng plano na gawing mala-Boracay ang Manila Bay.

Paglilinaw ni DENR Usec. Benny Antiporda, hindi white sand ang itinambak dahil bawal mag-transport ng white sand kundi ito ay dinurog na dolomite rocks mula sa Cebu.

Ayon pa sa opisyal, ang proyekto ay para sa mga Pinoy na walang kakayahang makapunta sa mga kilalang white sand beaches sa bansa.

Sagot naman ni @PaternoManny, “Let’s all watch Benny Antiporda sunbath and frolic in the White sands of Baywalk Manila Bay together with the Secretary of Tourism!!!

Habang si @teta_limcangco ay nagtanong, “Who would go to Manila Bay to swim and walk on that white sand in this time of a pandemic?

Marami ang nanghihinayang sa pondong inilaan sa nasabing proyekto tulad ni @dannyday12000: “Total waste of taxpayer money. That cosmetic makeover will probably disappear after one typhoon season”.

May paninisi naman ang tweet ni @jgbmejia, “this is what you get when you put an Army General as the head of DENR. Why don’t you invest on fixing our solid waste management & on educating local communities. Focus on designing sustainable places of leisure & on regulating companies that pollute. WE ARE WASTING OUR RESOURCES”.

Para sa Greenpeace PH Campaigner na si Sonny Batungbacal, “Kung ang objective is to save Manila Bay by cleaning it up, putting materials on top of the uncleaned environment would not help.”

“I doubt kung dumating yung mga storm surges, bagyo, kung nandiyan pa yan, not to mention yung cost involved,” aniya pa.

Isang linggo nang laman ng social media ang DENR dahil sa proyektong ito na pinangangambahan ng marami na mauuwi lang sa wala at pag-aaksaya umano ng pondo ng bayan.

GIGISAHIN SA ARTIFICIAL BEACH

Kaugnay nito, nagpatawag ng imbestigasyon ang isang grupo ng mga kongresista sa Kamara sa artificial beach na ginagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay na tinawag nilang insensitive project sa gitna ng pandemya sa COVID-19.

Sa House Resolution (HR) 1194 na inakda ng 6 Makabayan bloc congressmen, bukod sa mapanganib umano ang dolomite na itinambak sa Manila Bay sa kalusugan ng mga tao ay posibleng maglaho sa baha ang P389 million na halaga ng proyekto kapag nagkaroon ng malakas na bagyo.

Ginawa ng nasabing grupo na pinangungunahan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang aksyon sa kabila ng paglilinaw ni DENR Secretary Roy Cimatu sa pagdinig ng kanilang budget sa Kamara na hindi mapanganib sa kalusugan ng tao ang dolomite.

“Dolomite in its natural state is not a known health hazard. What is hazardous is the fine silica quartz in some dolomite in the form of dust that is generated during crushing and screening, not the calcium or magnesium (components),” ani Cimatu.

Ipinagtanggol ni Cimatu ang proyekto na bahagi umano ng rehabilitasyon ng Manila Bay bagama’t inamin ng ahensya na hindi ito bahagi ng master plan na ginawa ng National Economic Development Authority (NEDA).

“Yung nakikita po ninyo na tinatambak na dolomite dyan ay kasama sa proseso. Lagyan po kasi namin konti ng beach dyan. Pagdaong mo kasi dyan noon tuloy tubig na kaya andaming nadidisgrasya.

Subalit hindi ito binili ni Zarate dahil napaka-insensitibo aniya ng proyekto ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19 subalit ang artificial beach pa rin aniya ang inuuna ng ahensya.

Hindi rin umano makatutulong ang dolomite para gumanda ang Manila Bay hanggang’t hindi nareresolba ang pagtatapon ng basura at maruming tubig mula sa mga kabahayan at industriya dahil sa kawalan ng maayos na treatment facilities.

“Hindi naman natural na kalagayan ng Manila Bay yan na mayroon maputing beach.

Kung talagang gusto natin ay ma-appreciate ng mamamayan yung sunset ng Manila Bay, ang malaking problema dyan ay yung dumping of waste pa rin,” ayon pa kay Zarate. (BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment