Pinagsamang presensya sa WPS PILIPINAS, US AT AUSTRALIA SUMABAK SA MMCA

IPINAKITA ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang patuloy na pagsusumikap ng hukbong sandatahan na higit pang palakasin ang kakayahan sa depensa pandagat, sa pamamagitan ng katatapos na Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA), katuwang ang United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) at ang Australian Defense Force (ADF), sa Dagat Kanlurang Pilipinas.

Sa patuloy na pagpapaigting ng kakayahan sa depensa pandagat, iba’t ibang mga sabayang pagsasanay ang isinagawa ng Philippine Navy kasama ang USINDOPACOM at Australian Defense Force mula Abril 9 hanggang 12, 2026.

Ito ang ikalawang MMCA ngayong taon sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos, at Australia, at ika-16 na kabuuang pagsasagawa ng aktibidad, na nagpapakita ng lalong tumitibay na ugnayang pangdepensa ng tatlong bansa at ng kanilang commitment para sa seguridad ng rehiyon.

Sa nasabing joint naval exercise, isinabak ng AFP ang BRP Rajah Sulayman (PS20) ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, kasama ang mga eroplano ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas gaya ng FA-50 fighter jets, A-29B Super Tucano, C-208B, at Sokol search and rescue helicopter, habang ang Philippine Coast Guard ay isinabay sa maritime drill ang BRP Melchora Aquino (MRRV 9702).

Isinabak naman ng Australian Defense Force ang kanilang HMAS Toowoomba (FFH156) na may MH-60R helicopter at P-8A Poseidon aircraft, samantalang ang USINDOPACOM ay ginamit ang USS Ashland (LSD-48), na nagpapakita ng koordinado at sama-samang pagtugon sa operasyon ng seguridad pandagat.

Kasama sa mga serye ng pagsasanay ang replenishment at sea approach (RASAP), rendezvous procedures, Communications Exercise (COMMEX), Maritime Domain Awareness (MDA) activities, division tactics/Officer of the Watch maneuvers, flyby exercise, photo exercise, night steaming in company, screen exercise, at farewell pass.

Kahanga-hanga, tampok sa MMCA na ito ang paglipat ng apat na kagamitan ng Naval Combat Engineering Brigade kabilang ang isang payloader, isang telescopic crane, at dalawang concrete mixers mula Manila Bay patungong Puerto Princesa City, Palawan sakay ng USS Ashland (LSD-48), na isang aktwal na pagsasagawa ng logistics interoperability sa pagitan ng AFP at USINDOPACOM.

Muling pinagtibay ng Armed Forces of the Philippines ang pangako nitong palakasin ang pakikipagtulungan sa mga bansang may kaparehong adhikain upang matiyak ang seguridad pandagat, mapangalagaan ang pambansang interes, at makapag-ambag sa kapayapaan at katatagan sa rehiyong Indo-Pasipiko

Nagtapos ang aktibidad sa opisyal na deklarasyon ng Finish Exercise (FINEX).

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment