IKINUKONSIDERA ng mga awtoridad na panagutin ang isang hotel sa Pasay City makaraang holdapin ng tatlong kalalakihan ang isang Chinese national na nag-check-in kasama ng isang bading.
Ayon sa ulat, hatinggabi noong Lunes nang mag-check-in ang biktimang si Hung Pin Lo, 29-anyos, Chinese national, residente sa Solemare Park Side Tower B, Diosdado Macapagal Ave., Parañaque City, sa Room 556 ng Sogo Hotel sa Roxas Blvd., Service Road, Pasay City, kasama ang ka-date na bading na si John April Gomez, 26, ng #1942 Leveriza St., Pasay City.
Ayon sa imbestigasyon ng Station Investigation and Detective Management Unit (SIDMU) ng Pasay City Police, na pinamumunuan ni P/Major Willie Sangel, makaraang maligo ay nagulat ang biktima nang makitang pumasok sa kanyang silid ang dalawang suspek na sina Ralp Jenric Manahan, 20, at John Michael Romero, 23-anyos, at tinutukan siya ng barill.
Sapilitan umanong kinuha ni Romero ang P5,000 ng biktima, habang nakabantay si Manahan at ang kasabwat na ka-date ng Chinese na si Gomez.
Isa pang kasabwat umano na kinilalang si Allan Romero, isang kagawad sa Brgy. 34 ng lungsod, ang nagsilbi naman umanong look-out sa Service Road at nagbigay ng instructions na huwag munang lumabas ang mga suspek dahil may nagpapatrulyang mga pulis sa labas.
Ngunit habang papatakas ang tatlong suspek ay hinabol sila ni Hung hanggang sa lobby ng hotel.
Nakipag-agawan umano sa .45 kalibreng baril si Hung kay John Michael Romero hanggang sa dumating ang nagrespondeng mga pulis at inaresto ang mga suspek. (DAVE MEDINA)
316 