Pinainan ng P400 3 TULAK NALAMBAT SA BUY-BUST

MAKARAANG painan ng P400 buy-bust money, nahulog sa bitag ng Manila Police District ang target nilang tulak ng shabu kasama ang tatlong iba pang mga kasabwat sa Sta. Cruz, Manila noong Martes ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina Alma Granata y Osorio, 45; Romelito Rivera, 50; Angelo Foronda, 31, at Armando Dacio, 43-anyos.

Base sa ulat na isinumite ng Station Drug Enforcement Unit kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng MPD-Station 3, bandang alas-9:30 ng gabi nang ilatag ang buy-bust operation sa P. Herrera St., malapit sa panulukan ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang limang plastic sachet ng shabu na tinatayang 13 gramo ang timbang at PP88,400 ang halaga. (RENE CRISOSTOMO)

154

Related posts

Leave a Comment