Pinalubog ng Bagyong Carina STATE OF CALAMITY SA METRO MANILA

(JESSE KABEL RUIZ)

ISINAILALIM na sa state of calamity ang buong Kamaynilaan dahil sa pinsalang dulot ng Bagyong Carina at Habagat.

Nauna rito, inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim ang buong Metro Manila sa state of calamity dahil sa malawak na epekto ng mga pag-ulan at pagbaha.

Sa situation briefing kahapon na pinangunahan ni Marcos kasama ang mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Headquarters ng konseho sa Camp Emilio Aguinaldo, Quezon City, inihain ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mungkahi na agad namang pinagtibay ng Metro Manila Council.

Ayon sa Pangulo, nauubos na rin ang reserved funds ng local government units kaya kailangan na nila ng tulong mula sa national government.

Sa panayam kay Abalos, sinabi nitong malaking bahagi na ng Metro Manila ang lubog sa baha lalo na sa CAMANAVA area partikular ang Caloocan, Malabon at Navotas.

Bukod sa Metro Manila, magdedeklara rin ng state of Calamity sa Calabarzon.
Sa ilalim ng state of calamity, nabibigyan ang mga LGU ng access sa mga karagdagang pondo para sa pagtugon sa kalamidad, kasama na ang paglalatag ng price freeze sa mga basic goods.

Walang Pasok

Maagang inanunsyo ng Malacañang kahapon ang suspensyon ng pasok sa lahat ng antas ng paaralan at opisina ng gobyerno sa National Capital Region (NCR) dahil sa nararanasan pag-ulan.

Base na rin ito sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Maging ang Senado at Kamara ay nagdeklara rin ng walang pasok sa mga empleyado nito.

Tanging ang mga ahensiya na may trabahong magbibigay ng basic at health services ang may pasok.

Sinuspinde naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding.

9 Iniulat Nasawi

Iniulat naman ng NDRRMC kahapon ang pagkasawi ng nasa siyam katao dahil sa pananalasa ng bagyong Carina.

Bukod sa mga nasawi, mayroong dalawang sugatan at isa ang nawawala.

Ang mga nasawi ay mula sa Zamboanga Peninsula na mayroong apat, dalawa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at tig-isa sa Northern Mindanao at Davao Region.

Isang binatilyo ang natagpuang patay matapos malunod sa Infanta Bridge sa Barangay 96, Tondo, Maynila.

Tinatayang 179,744 na pamilya ang apektado ng bagyo o katumbas ng 866,483 katao.

Tinatayang aabot sa P8.7 milyon ang pinsala sa agrikultura sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at BARMM habang sa mga imprastraktura ay nasa P700,000 bukod pa sa mga nasirang kabahayan na nasa P2.5-M.

Ayon sa NDRMMC, ang Habagat ay nagdala ng matinding pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula pa noong Hulyo 11 na pinaigting pa ng bagyong Butchoy at Carina.

Insentibo sa ‘Waterproof’ na empleyado

HINIKAYAT ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na bigyan ng insentibo ang kanilang mga manggagawa na magre-report sa trabaho sa kabila ng masamang panahon.

Kahapon ay inanunsyo ng DOLE ang suspensyon ng trabaho sa pribadong sektor, ito’y sa kabila na nasa desisyon ng mga employer kung magsususpinde sila o hindi ng pasok.

Muling ipinaalala ng DOLE na hindi maaaring maparusahan o bigyan ng sanction ang mga empleyado na bigong makapasok dahil sa panganib na dulot ng masamang panahon.

Pagdating naman sa sahod, magiging no work, no pay ang sistema sakaling mabigong pumasok ang empleyado o maaari namang gamitin ang leave credits.

Sakaling bigong makumpleto ang walong oras na trabaho pero hindi naman bababa sa anim na oras, sinabi ng DOLE na entitled pa rin ang mga manggagawa sa full regular pay.

Higit 300 Stranded

MAHIGIT 300 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang stranded sa mga pantalan sa Luzon, Miyerkoles ng umaga habang nananalasa ang bagyong Carina at habagat.

Ayon sa Philippine Coast Guard, may 31 ding mga barko, isang motorbanca at 34 rolling cargoes ang stranded habang 8 vessels at 1 motorbanca ang namalagi muna sa Southern Tagalog at Bicol regions habang pinahuhupa ang sama ng panahon.

Sa 354 katao na stranded, 209 dito ay nasa mga pantalan ng Southern Tagalog at 145 naman sa pantalan sa Bicol.

Code White Alert

SA gitna ng malawakang pagbaha dala ng bagyo at habagat kahapon, nagdeklara ang Department of Health (DOH) ng Code White Alert sa lahat ng Centers for Health Development nito sa regional offices sa buong bansa maging ang Ministry of Health sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM).

Kasabay ng paalala ng ahensya sa ibayong pag-iingat ng publiko ang babala sa panganib ng Leptospirosis.

Ayon sa DOH, maaaring makapitan ng Leptospirosis sa pamamagitan ng paglusong sa baha o paghawak sa putik, lupa o dumi matapos ang baha meron man o walang visible wounds o sugat at sa pamamagitan ng exposed na balat sa tubig baha.

Inirekomenda nito ang mga antibiotic na maaaring inumin upang makaiwas sa sakit gaya ng prophylaxis ngunit kailangan nito ng prescription kaya kailangang kumonsulta sa doktor o health center sa loob ng 24 oras matapos lumusong sa baha.

Payo ni Health Secretary Ted Herbosa, mas mabuting umiwas sa baha bilang pag-iingat na tamaan ng Leptospirosis. Kung hindi maiwasang lumusong, mas mabuting gumamit ng bota hanggang tuhod at agad maghugas o linisin ang katawan pagkatapos.

Paliwanag ng kalihim, matagal bago makitaan ng sintomas ang kinapitan ng leptospirosis.

Sa datos noong Hulyo 13, nakapagtala na ang DOH ng 1,258 na kaso ng Leptospirosis sa bansa, 41% na mas mababa kumpara sa parehong period noong nakalipas na taon na nakapagtala ng 2,150 cases.

573

Related posts

Leave a Comment