LALONG dadami sa Pilipinas ang mga espiya at criminal fugitive mula sa Tsina kapag hindi inatras ng gobyerno ang pagsuporta nito sa unified visa system na pinagkasunduan at pinaiiral sa ngayon sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Babala ito ni Cagayan de Oro City representative Rufus Rodriguez kaya hiniling nito kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na atasan si Department of Tourism (DoT) secretary Christina Frasco na iurong na ang suporta sa nasabing sistema.
Ayon mambabatas, ang ASEAN visa system ay katulad ng Schengen visa sa Europe na kapag natuloy aniya’y lalong malalagay sa panganib ang pambansang seguridad dahil tiyak na gagamitin ito ng mga Chinese spy at gayundin ng mga criminal group mula sa China para maghasik ng lagim dito sa ating bansa.
“This will allow Chinese tourists who are actually spies to get ASEAN visas in Chinese client states like Cambodia and Laos, or even the liberal visa grant by Thailand to Chinese citizens, to come to the Philippines and they will automatically be admitted under the ASEAN visa scheme. This will be more dangerous to our national security than our present visa issuance process,” pinunto ni Rodriguez.
Sabi pa nito na kung ngayo’y madaling nakakapasok sa Pilipinas ang mga Chinese spy dahil nagpapanggap na mga turista, estudyante at negosyante, mas lalo pang mapapadali ang pagpasok nila sa bansa kapag pinagpatuloy ang ASEAN visa system.
“Many of them are actually spies of Beijing, several of whom have been caught redhanded by the authorities near military installations and sensitive government offices, including the Commission on Elections,” tinukoy ng mambabatas patungkol sa mga Chinese national na nagpanggap na mga turista subalit nasakoteng nga espiya pala sa mga nakaraang pagkakataon.
Maging ang mga scammer umano at mga illegal gambling operator, gaya ng mga Philippine Offshore Gaming Operator, human trafficker, drug smuggler at criminally-minded Chinese national ay mas mapapadali ang pagpasok sa bansa kapag mayroong ASEAN unified visa system.
Hindi na dapat madagdagan pa ang mga ito kaya kailangang iatras ni Frasco ang kanyang suporta sa planong ito ng ASEAN dahil maraming kaalyado ang Tsina sa nasabing rehiyon na pwedeng magbigay sa kanilang mamamayan ng nabanggit na visa.
“We are all for boosting our tourism sector and our economy by having more tourist arrivals, but, given our experience and our raging dispute with China over the West Philippine Sea, we don’t want to just accept Chinese tourists, but they should undergo rigorous evaluation by our Embassy and consulates in China,” pagtatapos ni Rodriguez.
(BERNARD TAGUINOD)
