WALANG balak ang gobyerno ng Pilipinas na abandonahin ang tropa ng mga Pilipino sa nagsisilbing detachment sa Ayungin Shoal.
“Walang abandonment na mangyayari diyan,” ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles nang tanungin kung kinukonsidera ng pamahalaan na iwanan ang military detachment sa Ayungin Shoal para maiwasan ang komprontasyon sa China.
Sa katunayan, ani Nograles ay ipagpapatuloy ng pamahalaan ang resupply mission para sa military personnel na nakasakay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, bahagi ng Kalayaan town sa Palawan.
“Itutuloy namin at gagawin namin ang nararapat para makarating ang mga supply doon para sa ating mga kapwa Pilipino na nandoon,” ayon kay Nograles.
Ang pahayag na ito ni Nograles ay matapos na sabihin ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Zhao Lijian na may dalawang supply boats ng Pilipinas ang nag-“trespassed” sa Chinese waters, Ren’ai Jiao, “without China’s consent.”
Napaulat na hinarang ng tatlong Chinese Coast Guard vessels ang dalawang barko ng Pilipinas sa bahagi ng Ayungin shoal.
Bukod sa pagharang ay binomba pa ng water cannon ang Philippine ships na naatasang mag-deliver ng supply sa mga tropa na nasa Ayungin Shoal.
Wala namang nasaktan subalit kailangan na i-abort ang resupply mission.
Pinuri naman ni Nograles ang agarang pagkilos ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Ayungin Shoal incident.
“The Department of Foreign Affairs has acted swiftly and has condemned the incident involving the Chinese Coast Guard,” ani Nograles.
“We will continue to assert our sovereignty and sovereign rights, our jurisdiction over Ayungin Shoal and all other territories within our jurisdiction, including our EEZ (exclusive economic zone),” dagdag na pahayag nito.
Kumpiyansa namang sinabi ni Nograles na gagawa ng hakbang ang DFA upang hindi na maulit ang nasabing insidente.
“So, we stand by the swift actions of the Department of Foreign Affairs and we are confident that the DFA will do whatever is necessary,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque na ang Ayungin Shoal incident ay “wholly unacceptable and absolutely illegal under international law.”
“Civilian vessels, particularly those carrying food provisions, should never be the subject of any form of attack or harassment.”
Pinayuhan din nito ang pamahalaan na muling pag-isipan ang palagay nito na ang anomang pag-atake sa BRP Sierra Madre ay maaaring maging dahilan para mapilitan ang Estados Unidos sa pamamagitan ng 1951 Mutual Defense Treaty, “to come to our rescue.” (CHRISTIAN DALE)
170 