Pinas, na-flatten ang COVID-19 curve GUNI-GUNI LANG NI DUQUE -SOLONS

MULING nakaranas ng batikos mula sa mga senador si Health Secretary Francisco Duque III sa pahayag nito na na-flatten na ang curve ng COVID-19 infection simula noong Abril.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa virus, tanong ni Senate Majority leader Migz Zubiri sa kalihim kung anong ‘curve’ ang tinutukoy nito.

“OMG! Dear Secretary Duque, with all due respect, pls tell us what curve is flattening? Is it the fact that the cases in April were at an average of two hundred a day as compared to the daily average of over a thousand cases today?” saad ni Zubiri.

“Or is it the fact that we will soon be number one in South East Asia in terms of COVID cases?” dagdag pang tanong ng senador.

Sinabi ni Zubiri na ang tanging flat sa ngayon ay ang likod ng mga pasyente na pumupuno sa mga COVID wards sa Metro Manila at patuloy na lumalaban sa kanilang buhay.

“Wag magbulag-bulagan and act to stop the surge instead of imagining it,” diin pa ni Zubiri.

Maging si Senador Sonny Angara ay hindi kumbinsido sa pahayag ni Duque dahil anya maraming hospital COVID wards ang napupuno na ng mga pasyente.

Bagama’t nababawasan anya ang bilang ng mga nasawi, patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga kaso.

Ipinaalala pa ni Angara sa kalihim ang pahayag ng World Health Organization na hindi masosolusyunan ang problema kung hindi aaminin ang tunay na estado ng bansa.
Nauna rito, inanunsyo ni Duque na matagumpay na na-flatten ng Pilipinas ang COVID-19 pandemic curve sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso nito.

Pinagbasehan ni Duque ang mas mahabang COVID-19 case doubling rate at mortality doubling time.

Aniya, noong Abril pa na-flatten ng bansa ang curve.

Bukod dito, sinabi rin ng health secretary na na-improve ng pamahalaan ang pandemic response pagdating sa public health interventions at non-pharmaceutical interventions gaya ng mandatory na pagsusuot ng face mask ng mamamayan.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 57,545 COVID-19 cases sa bansa, 1,603 rito ang nasawi at 20,459 ang mga nakarekober sa sakit.

KUMAMBYO

Agad din namang binaligtad ni Duque ang pahayag makalipas ang ilang oras.

“Paumanhin po sa confusion na resulta ng aking earlier statement, nalito lang po ako sa tanong.

Iyong longer case doubling time which is eight days, ibig sabihin po nito, nailiko na, nasimulan na nating nailiko o naikurba na natin ang epidemic curve nung [nagkaron ng] imposition ng ECQ noong March,” ani Duque.

“Now, we are seeing an increase in cases dahil sa expanded testing and community transmission as we allow more movement of people, dahil nagluwag na po tayo ng restrictions,” dagdag pa nito.

Noong Mayo, binatikos din ang kalihim matapos ianunsyo na nararanasan na sa bansa ang second wave ng COVID infection pero kalaunan ay binawi rin niya.  (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

126

Related posts

Leave a Comment