TANGING ang Pilipinas na lamang ang naiiwan sa mga bansa sa Southeast Asia na hindi pa bumabalik sa face-to-face classes.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, ito ang sinabi sa kanya ng UNICEF sa pakikipagpulong niya rito kamakailan.
Ayon sa Kalihim, ang face to face sa ibang bansa ay “contextualized” kung saan may iba aniya na may isang oras sa isang linggo habang ang iba naman ay dalawang araw. Depende aniya sa situwasyon.
‘Pero tayo na lang ang talagang.. hindi pa natin pinapayagan ang face-to-face dahil nga ang nangyari ay paglabas ng UK variant.. syempre nag-worry ang presidente na baka may epekto ito sa ating mga eskuwelahan,” ayon kay Sec. Briones.
Noong Disyembre 14 aniya ng nakaraang taon ay nagprisinta sila ng plano na kung mayroon aniyang mga agam-agam ay makabubuti na magsagawa na lamang muna ng pilot limited face-to-face schooling ang mga kabataan.
Sa buong mundo naman aniya kasi ay nakikita naman na karamihan sa mga bansa ay talagang nagbubukas na ng kanilang eskuwelahan. (CHRISTIAN DALE)
