IPINATITIYAK ng isang senador kay Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na makakamit ng pamilya ng pinaslang na dating tabloid editor ang hustisya at agad madakip ang mga nasa likod ng krimen.
Kasabay nito, kinondena ni Senador Leila M. de Lima ang brutal na pagpatay kay Gwen Salamida sa loob ng pag-aari nitong salon noong Martes sa lungsod Quezon.
Si Salamida ay bahagi ng pahayagang SAKSI Ngayon bilang advertising manager.
“Mariin nating kinokondena ang isa na namang karumal-dumal na pagpatay sa kawani ng media. Kailangang magsagawa ng mabilis at patas na imbestigasyon para mapanagot ang nasa likod ng krimen na ito, kung hindi ay mapapabilang lang ito sa mga numero ng mga walang pinatutunguhang kaso ng pamamaslang,” ayon sa senador.
“Needless to say, we will hold the PNP and PNP Chief Guillermo Eleazar to his promise, that ALL angles of the killings will be investigated thoroughly and with dispatch,” dagdag pa nito.
Si Salamida ay binaril hanggang sa mapatay habang malubha namang nasugatan ang kasama nito sa loob ng pag-aaring salon ng una noong Agosto 17.
Nabatid na isinantabi na ng mga pulis ang anggulong may kinalaman sa holdup/robbery ang pamamaril at pagpatay kay Salamida matapos lumutang ang isang Grab food delivery rider na kinumpirmang sadyang pinatay ang biktima.
Kaugnay nito, umaasa si De Lima na tuluyan nang susuportahan ng mga kapwa nito senador ang inihain nitong Senate Bill (SB) No. 1523 o ang Journalist Protection Act of 2020 dahil sa dumaraming bilang ng mga Filipino journalist na nalalagay sa alanganin ang buhay.
“Instead of threatening them, we need to safeguard the welfare of our journalists considering the dangerous and even life-threatening circumstances they encounter on a daily basis. This is the least that we can do for them as they continue to serve the public despite the dangers of their jobs. I hope that my Senate colleagues will help push for the swift passage of this very important and timely legislation,” sabi nito. (NOEL ABUEL)
163 