MAGANDANG araw mga ka-Saksi! Happy Three Kings!
Nakatanggap po ang inyong lingkod ng mensahe mula sa isang kabayaning domestic worker na humihingi ng tulong sa pamahalaan para makauwi na ng Pilipinas.
Ipinadala n’ya ang mensahe noong December 2021 pa dahil matagal na palang natapos ang kanyang 2 taong kontrata sa kanyang amo na si Yasser Saeed Almaari.
Nakilala natin ang kabayaning OFW na si Berna Marie M. Egonia, tubong Quirino province, na ideneploy ng PJV Human Resources Company sa Abha, Saudi Arabia noong Sept. 19, 2019 pa.
Ang foreign recruitment agency n’ya sa Saudi ay ang Al Hazeem Recruitment Company.
Sinabi ni kabayaning Berna na gustong-gusto na n’yang makauwi sa Pilipinas dahil nga matagal nang nagtapos ang kanyang kontrata pero madalas daw ikinakatwiran ng kanyang amo na walang flight dahil sa COVID-19 restrictions.
Bukod dito, siya pa raw ang pinagbabayad ng ticket ng eroplano kung gusto n’yang umuwi sa bansa na dapat sinasagot ng employer.
“Isa pa pinalipat-lipat na po ako ng ibang bahay, pati bahay ng bayaw nila ako pa ang naglilinis at pagkatapos ko maglinis sa bahay ng bayaw nila hindi man lang ako binigyan ng pera kahit tip man lang wala po,” ayon pa sa mensahe ni kabayaning Berna.
Mga ka-Saksi, agad ko naman pong inaksyunan ang problema ni kabayaning Berna at naipadala ang mensahe kay former OWWA board of trustee Dok Chie Umandap ng AKOOFW Party-list, para sa kagyat na tugon sa problema. Abangan po natin ang magiging aksyon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa hinaing ng ating kabayani.
Good News! Nakauwi na sa bansa ang OFWs na pawang manggagawa ng Al Mawarid Company sa Saudi Arabia na humingi ng tulong sa AKSYON BANTAY OFW noong nakaraang November 2021.
Ang mga ito ay sina Ryan Condolon, Jessie Saldom, Almumit Gadjala, Rino Salazar, Eric Vargas, Jaydon Fernando, Jr., Jahid Elias, Almodzrin Ajijul at Maradi Muksin.
Pero may 15 OFWs pa ang naghihintay pa rin ng available flights at naipit na naman dahil sa paghihigpit ng Saudi Arabia dulot ng pagsipa ng mga kaso ng Omicron variant.
Bad News! May limang libong OFWs na stranded ngayon dahil hindi umano magkasundo ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ilang recruitment agencies sa ipinatutupad na health protocol ng Taiwan.
Ayon kay Immigration expert Emmanuel Geslani, ayaw ng ating gobyerno na magbabayad ang mga OFW kahit payag na silang sagutin ang gastos.
Sinabi pa ni Geslani na ipinagpipilitan ng DOLE na dapat ang employer naman ang magbayad pero labag daw ito sa patakaran ng Taiwan kaya naiipit ngayon ang mga manggagawa.
Para sa inyong reklamo, suhestiyon at opinyon, paki-message lang po sa dzrh21@gmail.com.
