PATULOY na bumabaha ang mga reklamo ng ating mga kabayaning OFW simula nang buksan ni Dr. Chie Umandap ang kolum na ito para sa mga manggagawang Pinoy sa abroad na nakararanas ng pang-aabuso, maltrato, kawalan ng sahod, iniipit ang iqama at passport, maging ang personal na mga kagamitan ay itinatago ng kanilang malulupit na amo.
Nais kong i-feature ang masaklap na karanasan ng isang Pinay na itago na lang natin sa pangalang OFW Lyn na tubong General Santos at Tupi, South Cotabato.
Sa nakalap nating impormasyon mula sa POLO-OWWA Riyadh, si OFW Lyn ay nakatapos na ng kontrata sa kanyang amo sa Bisha, Kingdom of Saudi Arabia, may 714 kilometro ang layo mula sa Riyadh.
Ang good news, narescue na ng mga tauhan ng Phil. Embassy at POLO-OWWA sa Riyadh si OFW Lyn.
“Nakuha na po natin si OFW Lyn sa Kanyang employer sa Bisha, KSA na may layong halos 714 kms mula Riyadh. Si Lyn ay taga GenSan at Tupi, S. Cotabato. Siya ay finished contract na. Aalamin pa natin ng maigi ang sinapit niya dahil sa ‘di umano’y karumal-dumal na ginawa sa kanya.
Sa halip na kasambahay ang trabaho, siya raw ay ginawa pa na pastol ng mga kambing sa disyerto,” ayon sa POLO Riyadh.
Bagama’t tumatanggap siya ng sahod maliban sa nakaraang kalahating buwan, napag-alaman natin na meron pang sinisingil sa employer na kakulangan ng kanyang sweldo.
Tiniyak ng mga opisyal sa Embahada na may mananagot sa masaklap na kapalaran ni OFW Lyn kung mapatunayan n’yang tama ang mga akusasyon sa amo.
Isinailalim na sa check-up ng doktor si OFW Lyn dahil sa mga iniinda niyang sakit sa katawan.
Nasa kustodiya na ng POLO-OWWA Riyadh at inasikaso na sya sa bahay kalinga o shelter hanggang makamit niya ang katarungan.
Maraming salamat kay Welfare Officer Racquel sa pagtutok sa kaso ni OFW Lyn.
Sa mga susunod na kolum po, ilalabas natin ang mga kwalipikasyon o credentials at platforms ng mga kandidato sa national at local levels, lalo na kung sino sa kanila ang nagsusulong ng kagalingan, proteksyon at kapakanan ng mga bagong bayani natin.
Para sa inyong mga reklamo, opinyon, komento at suhestiyon, mag-email lang sa dzrh21@gmail.com o kaya sa facebook page FRPinoyTV.
199 