AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
HINDI na nakapagtataka kung bakit lalo pang dumami ang “no read, no write” sa mga kabataang Pilipino dahil sa kakulangan ng suporta ng gobyerno sa education sector.
Kulang na nga sa budget na inilalaan ng gobyerno para sa edukasyon, kukurakutin pa ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno, saan pupulutin ang mag-aaral?
Iba na ang pananaw ngayon ng government officials, nasa utak na nila na sila dapat ang paglingkuran ng mga Pilipino at wala silang accountability o pananagutan kung anoman ang gawin nila sa budget ng ahensya na kanilang pinamumunuan. Pakapalan na ng mukha ngayon!
Si Senador Sherwin Gatchalian ay nagpahayag ng matinding pagkabahala matapos ilabas ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang ulat na dumoble ang bilang ng mga Pilipinong illiterate o hindi marunong bumasa at sumulat sa nakalipas na tatlong dekada.
Batay sa 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey, tumaas sa 24.8 milyon ang bilang ng mga Pilipinong illiterate — kumpara sa 14.5 milyon noong 1993.
“Hindi natin mareresolba ang krisis sa edukasyon kung milyon-milyon pa rin ang hindi marunong bumasa at sumulat. Dumoble na nga ito sa loob ng 30 taon — malinaw na may mali sa ating sistema,” ayon kay Gatchalian.
Matagal nang isinusulong ni Gatchalian ang National Literacy Council Act, na naglalayong gawing de facto local literacy councils ang local school boards sa mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad upang mas mapaigting ang mga programa laban sa illiteracy.
“Kailangang kumilos na ang mga lokal na pamahalaan. Isa ito sa mga estratehiyang matagal ko nang isinusulong upang mas mapabilis at mapalawak ang solusyon sa lumalalang problema sa pagbasa at pagsulat,” dagdag ni Gatchalian.
Nitong nakaraang buwan ng Mayo, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kailangang baguhin ang paraan ng pagtuturo — mula sa memorization patungo sa critical thinking.
Ito ay tugon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na halos 19 milyong junior at senior high school graduates ang nahihirapang unawain kahit simpleng kuwento lamang.
Sa kabila ng nakababahalang datos, binigyang-komendasyon ng EDCOM 2 ang lokal na pamahalaan ng Norzagaray, Bulacan dahil sa matagumpay nitong kampanya laban sa illiteracy.
Ayon kay Norzagaray Public School District Supervisor Nora Manalo, mahalagang gawing masaya at interaktibo ang proseso ng pagkatuto.
“‘Di naman po pwedeng basa-basa agad ang bata. Dinadaan namin sa paglalaro — pero may competency pa rin na kasama sa learning through play,” banggit pa niya.
Kinakailangan din na ang kasalukuyang administrasyon ay bigyang prayoridad ang edukasyon sa bansa, hindi ang flood control projects na ginawang gatasan ng mga korap na mga opisyal ng pamahalaan at mga mambabatas.
May mga natanggap din tayong ulat na hindi lang ang flood control projects ang pinagkakakitaan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan kundi ang ilang school building na hanggang ngayon ay hindi mapakinabangan ng mga mag-aaral.
Ang pagtatayo ng ilang school building ay dumaan din sa pangangasiwa ng pinaka-kontrobersyal na ahensya ng gobyerno, ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
o0o
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
86
