EPEKTIBO BA ANG 4Ps?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY panukalang batas na bigyan ng umento ang mga miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) dahil hindi na raw kasya ang natatanggap nilang financial aid mula sa gobyerno dahil hindi mapigilan ang paglobo ng inflation rate o mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa ngayon ay P300 ang ibinibigay na financial aid ng gobyerno sa isang pamilya sa bawat anak na nag-aaral sa day care at elementarya… bawat anak ha. Kaya kung tatlo ang anak na nag-aaral ay P900 ‘yan kada buwan.

Kapag nasa high school naman ay P500 kada anak kada buwan at P700 naman kada anak kada buwan kapag naka-enroll sila sa senior high school pero sa panukala sa Kamara, ‘yung P300 gagawing P500, ‘yung P500 gagawing P700 at ‘yung P700 magiging P900.

Bukod ‘yan sa P750 kada buwan na health grant na nais ng isang kongresista na itaas ng P1,800 kada buwan at karagdagang P600 kada buwan para sa kanilang pagkain.

Pero epektibo ba talaga ang programang ito para maiahon sa kahirapan dahil 18 taon na ito mula noong ilunsad noong 2008 o panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ginawang batas noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III?

Ngayong taon 2025, P106.335 billion ang inilaang pondo sa 4Ps para sa 4.4 milyong pamilya na beneficiaries ng programang ito at sa susunod na taon magiging P113 billion na uutangin ng gobyerno at babayaran ng taxpayers.

May mga kuwento na nagtapos ang isang anak ng isang 4Ps beneficiary pero mangilan-ngilan lang at hindi milyon ang bilang. Malamang nagsikap ang kanilang magulang at hindi lang umasa sa ayuda ng gobyerno kaya sila nakatapos.

Aminin man o hindi ng gobyerno, maraming miyembro ng 4Ps ang hindi na kumayod dahil may inaasahan silang buwanang ayuda mula sa gobyerno as in umasa na lamang sila sa programang ito para mabuhay.

Parang ginamit lang ang kanilang mga anak na kunwari ay inenrol para mapasama sa programa pero hindi tinutukan ang kanilang pag-aaral kaya walang natututunan ang kanilang mga supling dahil ang interes lang nila ay makakuha ng ayuda.

Kung talagang gusto ng gobyerno na tulungan ang mga mahihirap na makaahon sa hirap, bigyan sila ng trabaho. Napakalaki ang pondong inilalaan sa programang ito kada taon na pwedeng gamitin para magtayo ng industriya.

Walang bansang umasenso na hindi yumakap sa industriyalisasyon at ang Pilipinas ay napakaraming raw materials pero imbes na rito iproseso ang mga materyales na ito ay ini-export natin.

Hindi masama ang tumulong pero dapat ay may limitasyon at hindi dapat sanayin ang mga tao na umasa na lamang sa ayuda at ayaw tulungan ang sarili para makaahon talaga sa kahirapan ang kanyang pamilya.

61

Related posts

Leave a Comment