(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NAGKAKAISA ang mga Pinoy sa Netherlands sa paggiit na maibalik sa Pilipinas si dating pangulong Rodrigo Duterte matapos itong hulihin dahil sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Inabangan ng mga Pinoy ang pagdating ni Duterte sa The Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison sa The Netherlands, Marso 12 (Miyerkoles sa Pilipinas).
Sigaw nila, “Send him back”! habang inaawit ang Lupang Hinirang.
Sa Pilipinas, patuloy ang pagtitipon-tipon ng mga tagasuporta ng dating pangulo sa ilang lalawigan.
Kaugnay nito, iginiit kahapon ng Department of Justice (DOJ) na walang nilabag na batas at sumunod sa tamang proseso ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Duterte.
Ito ang ginawang depensa ng kagawaran sa gitna ng ulat na unconstitutional at tila state kidnapping ang nangyari sa dating pangulo.
Sa ambush interview kay Justice Asec. at Spokesperson Atty. Mico Clavano, ang kanilang ahensya ay nagsilbing attesting officer sa pagsasagawa ng pag-aresto kay Duterte.
Giit nito na sinunod ng DOJ ang article 59 ng Rome Statute sa pagpapatupad ng buong proseso. (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
