Pinuri agarang aksyon ng DOTr sa insidente ng escalator sa LRT 1- FPJ station MALAYA, TRANSPARENT INVESTIGATION PANAWAGAN NI REP. BRIAN POE

AGAD nagpaabot ng taos-pusong simpatya si Congressman Brian Poe ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa pitong pasaherong nasugatan sa insidente ng eskalator sa LRT-1 FPJ Station noong Biyernes, 15 Agosto 2025.

“Bagama’t nakakahinga ng kaunti na isa lamang ang kinailangang dalhin sa ospital at agad ding nakalabas matapos ang dalawang oras, at ang anim ay nakatanggap ng paunang lunas at nakauwi na ligtas, malinaw na ipinapakita ng insidenteng ito ang seryosong pangamba sa kaligtasan ng ating mga mananakay,” pahayag ni Cong. Poe.

Binigyang-diin ng mambabatas na dapat laging pinakamahalaga ang kaligtasan sa pampublikong transportasyon. “Hindi katanggap-tanggap na ang mga estudyante, manggagawa, at karaniwang Pilipino ay nalalagay sa panganib sa sistemang inaasahan at pinagkakatiwalaan nila,” dagdag niya.

Pinuri ni Poe ang mabilis na aksyon ng Department of Transportation (DOTr) sa pag-atas sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) na agad tulungan ang mga nasaktan at ayusin ang eskalator na muling naibalik at naaprubahan para sa ligtas na paggamit pagsapit ng 10:00 a.m. ngayong Sabado, 16 Agosto.

Binigyang-diin naman ni Kalihim ng Transportasyon Vince Dizon na dapat laging prayoridad ng LRMC ang pagiging maaasahan ng mga pasilidad ng LRT-1 upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mananakay. “Kabilin-bilinan ng Pangulo na dapat kampante ang mga pasahero na ligtas ang biyahe nila kapag sasakay ng tren. Inutusan ko na ang LRMC na bigyan ng agarang tulong ang mga nasaktang pasahero, at ayusin agad ang nasirang eskalator,” ani Sec. Dizon.

Bagama’t kinilala ni Poe ang agarang tugon, nanawagan siya ng mas malawak na pananagutan at pagiging bukas sa publiko. Hinikayat niya ang DOTr, LRMC, at iba pang kaukulang ahensya na magsagawa ng malaya at transparent na imbestigasyon hinggil sa teknikal na sanhi ng pagkasira.

“Karapatan ng mga mananakay na malaman ang buong katotohanan—hindi lamang kung ano ang nangyari, kundi kung paano natin matitiyak na hindi na ito mauulit,” diin ni Poe.

Muling tiniyak ng kongresista ang kanyang paninindigan na palakasin ang mga pamantayan sa kaligtasan ng pampublikong transportasyon, na iginiit na dapat laging unahin ang tiwala ng publiko at proteksyon ng mga mananakay.

64

Related posts

Leave a Comment