KAHIT may mga bumabatikos, tuloy-tuloy lang ang Pitmaster Foundation sa ginagawa nilang pagtulong.
Kumbaga, hindi kasi nila gawain ang gumanti sa mga kalaban. Basta, makatulong, okey na sa kanila.
Sa pangunguna ng kanilang chairman na si Charlie “Atong” Ang, naisusulong ng Pitmaster ang kanilang adbokasiya.
Nitong nagdaang araw nga, nag-donate ang foundation ng P20 milyong halaga ng homecare kits.
Nagsilbing beneficiaries nito ang 17 local government units sa National Capital Region (NCR).
Pahayag nga ni Atty. Caroline Cruz, Executive Director ng Pitmaster Foundation, “Ito ay ilan lamang sa mga inisyatibang ipinagpapatuloy ng foundation upang maiwasan ang COVID-19 lockdown, matulungan ang mga health workers, at maprotektahan ang mga maliliit na negosyo”.
Ganyan din daw kasi ang direktiba sa kanila ni Boss Atong. Para kay Ang, dapat tulungan ang LGUs sa NCR sa laban nila sa COVID-19 at suportahan ang COVID-19 response program ng pamahalaan.
Sinabi ni Cruz na ang mga alkalde raw ang nag-request ng homecare kits para magamit ng kanilang constituents.
Laman ng bawat homecare kits ang mahahalagang bagay. Siyempre, kasama na riyan ang Lagundi herbal medicine, Vitamin C plus zinc, Lola Remedios syrup, at digital thermometer.
Hindi rin mawawala sa pakete ang facemask, paracetamol, bactidol, alcohol, at pamphlet na makatutulong upang makaiwas ang mamamayan sa COVID-19 virus.
Agad naman daw na ipapamahagi ang homecare kits sa kanilang constituents.
Buhat nang itatag ang Pitmaster Foundation ay hindi na ito tumigil sa pagtulong.
Inuuna nila ang pagbibigay ng ayuda o suporta sa bawat kapus-palad na kababayan at sa pamahalaan na kinakapos na rin ng pondo.
Kung matatandaan, namahagi rin ng P50 million cash at P50 million antigen test kits ang Pitmaster sa mga alkalde sa Metro Manila noong nakaraang linggo bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa impeksiyon.
“Direktiba ng aming chairman na si Charlie “Atong” Ang na tulungan ang mga LGUs ng NCR. Iminungkahi ng mga alkalde na idagdag ang homecare kits sa aming assistance upang makatulong sa mga nag-positibo sa COVID na nagpapagaling,” wika ni Cruz.
Kung hindi ako nagkakamali, isinapinal ng foundation ang cash at antigen kit donations noong Enero 19, 2022, kung saan humiling ng homecare kits ang mga alkalde sa pamamagitan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na agaran namang tinugunan ng foundation ang kanilang hirit.
“Aming sinusunod ang kahilingan ng ating mga LGUs dahil sila ang tunay na nakakaalam sa mga pangangailangan ng mamamayan. Tayo naman ay katuwang ng pamahalaan at laging handang tumulong sa abot ng ating makakaya,” sabi pa ng opisyal ng foundation.
Kaya habang tumatagal, dumarami ang mga natutulungan ng Pitmaster. Nawa’y matauhan na ang mga bumabatikos sa kanila.
Tandaan, bukod sa pagbibigay ng ayuda, marami ring oportunidad sa trabaho na naibibigay ang Pitmaster sa ating mga kababayan.
174
