IPAPAARESTO ang mga lalabag o mahuhuling nagpapatuloy pa rin ng operasyon ng “e-sabong” o online cockfighting.
Ito ang naging babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Kung maaalala kasi, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang e-sabong.
Wala nga raw sophistication sa utos ng Pangulo.
Sabi ni Año, kapag sinabi ng Chief Executive na hindi na pupuwede ito, dahil nasa kapangyarihan nga ito ng ating Pangulo, agad itong ipatutupad ng mga awtoridad.
‘Ika nga, wala nang mga anumang technicalities o anumang justifications.
Nagkaroon daw kasi ng survey ang DILG kamakailan ukol sa e-sabong operations.
May mga nagsabi raw na nasira ang kanilang pamilya dahil ang ilang miyembro o kapamilya ay nalululong dito.
Lumalabas daw sa resulta ng survey na 68% ng mga respondents ang lubos na hindi sumasang-ayon na ang e-sabong ay nakakatulong sa kanilang pananalapi.
Ibig sabihin, marami pa rin naman palang pumapabor dito.
Nasa 62% naman ang pabor na ipatigil na ang e-sabong habang 34% naman ang nagsabing dapat ipagpatuloy ito.
Talagang maraming gusto na magpatupad na lamang ng mga regulasyon.
Kung hindi ako nagkakamali, ang natitirang 4% ay nagpahayag na nais na ipagpatuloy kahit wala itong regulasyon.
At dahil nagsalita na nga ang Pangulo, sinabi ni Boss Charlie “Atong” Ang, pangulo ng Pitmaster Live, na susunod sila sa utos ng Palasyo.
“Gagamitin namin ang panahon na ito para ayusin ang mga isyu hinggil sa sinasabi ng pangulo na mga problema sa e-sabong,” wika ni Ang.
Nag-ugat ang kautusan ng Pangulo sa rekomendasyon ni DILG chief Año.
Sinasabi ng Malacañang na maraming nalululong sa e-sabong na nagiging social problem na raw.
Sabi nga ni Ang, kapag muling binuksan ang e-sabong, ay aayusin na nila lahat ng mga problemang nakita sa kanilang hanay.
Well, moral issues tulad ng addiction ang isa raw sa mga nasilip na problema ng iba rito.
Sa totoo lang, kahit noong araw na wala pa ang e-sabong ay talagang may mga lulong na sa sugal.
Nasa tao na talaga ito kung magpapakalulong siya rito o hindi.
Ilang beses ko na ring nabanggit sa mga programa at sa mga kolum ko na ang ilang insidente kung saan nagbebenta ng gamit, bahay, at lupa ang ilang sugarol ay isolated incidents lamang.
Nangyayari na talaga iyan at ginagawa ng mga lulong sa droga.
Nabanggit din daw ang pagkawala ng may 34 na mga sabungero na karamihan sa kanila ay hinihinalang sangkot sa “game-rigging’ o pandaraya.
Maaaring makita raw ng mga susunod na administrasyon ang kahalagahan ng desisyon ng Pangulo na ipatigil ang e-sabong operations.
“Sa tingin ko naman, kung sino ang susunod na administration, baka naman makita nila ang importansya ng desisyon ni Pangulong Duterte at ipagpatuloy ang ginawa niya. Abangan na lang natin,” sabi ng DILG chief.
Subalit sa palagay ko, naging one-sided ang survey ng DILG.
Dapat kinunan din nila ng panig ang mga natulungan ng Pitmaster Foundation, tulad ng mga PWDs, may sakit, senior citizens, at local government units (LGUs) na napagkalooban ng ayuda ng grupo ngayong panahon ng krisis.
Sa mga susunod na labas, tatalakayin pa natin ang tungkol dito.
