SA GANANG AKIN ni JOE ZALDARRIAGA
NOONG nagdaang pandemya, isa sa mga naging mahalagang aral sa mga Pilipino ang kahalagahan ng digitalization lalo na ngayon sa panahon ng makabagong teknolohiya.
Mula sa mga ‘work-from-home’ setup noong pandemya hanggang sa mga e-wallet, hindi na maikakaila na malaki ang papel ng digitalization sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Sa katunayan, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na rin mismo ang nagsabi na prayoridad ng pamahalaan ang pagpapalakas sa digital infrastructure ng bansa at kasama na dito ang pagtatayo at mabilis na pag-energize ng mas marami pang telco tower para masuportahan ang digitalization sa bansa.
Kaya naman kamakailan lamang ay naglabas ang Malacañang ng Executive Order No. 32 na naglalayong mapabilis ang proseso ng pagkuha ng mga permit para sa pagtatayo, pagkumpuni, at pag-operate ng internet at telecommunications infrastructure sa bansa.
Malaking tulong ang bagong EO para makapaghatid pa ng serbisyong digital sa mas marami pang tao.
Bilang pinakamalaking telecommunications at digital service provider sa Pilipinas, batid ng PLDT, Inc. ang kahalagahan ng EO sa pagsusulong ng adhikain nito na matulungan ang pamahalaan na lalong mapalakas at mapabilis pa ang connectivity sa bansa.
Bilang patunay sa suporta ng PLDT at Smart Communications, pinangunahan nito kamakailan lamang ang ikalawang Telco Workshop for Process Mapping of Telco Towers’ Energization, katuwang ang Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Ang isinagawang workshop series ay nakatuon sa pagtalakay sa mga problema sa pagproseso ng mga permit at lisensya para sa pag-energize ng mga telco tower sa bansa at para mapalakas at mapabilis pa lalo ang internet connectivity sa mga lugar na malalayo sa mga lungsod.
Dinaluhan ang workshop ng mga opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang na ang Department of Public Works and Highways, National Electrification Administration, Department of Human Settlements and Urban Development, Philippines Association of Building Officials, Department of the Interior and Local Government, at Department of Information and Communications Technology.
Sa isinagawang workshop, ipinaliwanag ng Pangulo at CEO ng PLDT at Smart na si Alfredo S. Panlilio ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa tuluy-tuloy na pag-angat ng kalidad ng serbisyong hatid sa publiko.
Aniya, malaki ang papel at tulong ng pamahalaan para matiyak ang mabilis na rollout ng mga fixed at wireless network ng PLDT at Smart.
“Through collaborations such as this workshop, we hope to address the urgent need to operationalize policies to ultimately ensure the highest possible quality of service for all Filipinos, and consequently support the government’s digitalization efforts,” ani Panlilio.
Batid ng PLDT at Smart ang malaking papel na ginagampanan nito sa ekonomiya pati na rin ang mahalagang responsibilidad nito sa mga customer kaya naman patuloy ang pagsasagawa nito ng mga programa na nakatuon sa pagtitiyak na ang serbisyong hatid nito sa publiko ay mabilis at maaasahan.
