CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAGKAROON ng bahagyang pagbaba ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sa Pilipinas sa Q3 ng 2023, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Nasa 9.8% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger – nakaramdam ng gutom at walang kahit anong makain sa nakaraang tatlong buwan, ayon pa sa survey.
Ang 9.8% na naitala nitong Setyembre ay mas mababa sa 10.4% na naitala noong Hunyo 2023 pero kahalintulad ng 9.8% na pigura noong Marso 2023.
Teka, sa Visayas at mga lugar pala sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila ang nagkaroon ng pagbaba habang bahagya itong tumaas sa MM at Mindanao.
Nasa 17.3 porsyento ang nakaranas ng kagutuman sa Metro Manila at 6.7 porsyento ng pamilya sa Mindanao.
Napansin n’yo ba na hindi maramdaman ang umano’y bawas sa bilang ng nagugutom.
Nabawasan lang ata dahil sa programang food stamp ng pamahalaan, at ang binabanderang CARD o Romualdez’s Cash and Rice Distribution (CARD) ni Mr. Speaker.
Panandalian ang mga programang ito. Busog ka ngayon pero gutom sa susunod.
‘Yan kasi ang epekto ng walang permanente at pangmatagalang programa ni Marcos Jr.
Biyahe rito, lipad doon ang inaatupag. Ang bitbit pauwi ay pledges na hindi naman magandang bunga ng gala.
Naku, isipin naman ang mga nagugutom. Huwag puro lipad at palipad-hangin.
Speaking of pledges, nakakuha ang Pangulo ng $672-M investment pledges mula sa kanyang biyahe sa APEC.
Sumugal kaya ang mga nangako, o baka katulad din niya ang mga ito na hanggang pangako sa ‘yo ang boladas.
Sabagay, kung ano kasi ang itinanim ay siya ring aanihin.
Nangako siya ng P20 kada kilo ng bigas ngunit wala palang kwentang pramis kaya deserve din niya na umasa sa pangako ng iba.
o0o
Malapit na ang Pasko.
Kaya pa ba ng bulsa ang mga type mong ihanda sa Noche Buena?
Ayan, inilabas na ng Department of Trade and Industry ang listahan ng SRP sa mga noche buena items ngayong 2023.
Sa 240 produktong pang-noche ay nasa 152 items ang nagkaroon ng pagtaas ng presyo.
Kasama sa Noche Buena Price Guide ang ham, fruit cocktail, keso de bola, mayonnaise, all purpose cream, sandwich spread, spaghetti, pasta, elbow macaroni, tomato sauce, salad macaroni, at spaghetti sauce.
Hanap na lang ng mga tindahan na magbibigay ng diskwento ngayong holiday season.
Magtipid at maging wais sa pamimili. Paghambingin mga presyo at kung saan mura ay doon pumunta kahit gugulin ang buong araw at mapagod para maiwasang maubos ang Christmas bonus, na hindi pa nga pala naibibigay ay ubos na sa guni-guni ng mga hirap magbadyet.
