DPA Ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa ikinatutuwa ng publiko sa bagong administrasyon ay itutuloy ang giyera kontra ilegal na droga dahil hindi dapat bitawan ang giyerang ito dahil kung hindi ay babalik ang mga kriminal sa mga lansangan.
Sabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, ibang approach nga lang ang giyera kontra ilegal na droga dahil i-involve ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para ugatin ang dahilan kung bakit maraming tao ang nalululong sa bisyong ito.
Hindi natin maikakaila na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nalinis ang mga lansangan sa mga kriminal dahil naglaho ang mga adik sa lipunan.
Maging sa ibang krimen, dapat paigtingin ang kampanya tulad ng holdapan at nang hindi na maulit ang nangyari sa isang engineer sa Bulacan na matapos holdapin ay pinatay pa nang walang awa.
Pero sa ganitong uri ng kampanya, mahalaga ang papel ng isang police official kaya dapat hindi basta-basta magtalaga ng mga opisyal sa isang lugar na magpapatupad ng batas.
Kailangang siguraduhin na walang bahid ang itatalagang opisyal upang hindi pagdudahan at magawa nito ang kanyang trabaho, makuha ang tulong ng mga ordinaryong tao laban sa ilegal na droga at iba pang krimen sa lugar kung saan siya bibigyan ng assignment.
Mismong si PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao ang nagsabi na may mangilan-ngilan sa PNP ang sangkot pa rin sa ilegal na droga.
Baka mabigyan ng puwesto ang mga ito kaya papaano magtatagumpay ang anti-illegal drugs kung sakali, hindi ba?
Kailangang may kakayahan din ang isang opisyal na resolbahin ang isang krimen sa kanyang nasasakupan dahil sangkatutak ang mga nangyaring patayan na hindi nareresolba.
At kailangang makasundo rin ang itatalagang police official sa local executives sa lugar na kanyang nasasakupan dahil papaano magkakatulungan kung may pagdududa sila sa isa’t isa?.
Isang halimbawa ang kaso ni PNP Region 10 Director Police Brigadier General Benjamin Acorda Jr. na merong kiskisan sa local officials ng Misamis Occidental partikular na kay Gov. Henry Oaminal.
Inaakusahan ni Ominal si Acorda na hindi naresolba ang sniping incident sa kanilang lalawigan na ikinamatay ng kanyang running mate na si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez noong Disyembre kaya siya umapela kay PBBM na alisin ito sa rehiyon.
Nabuhay rin daw muli ang mga criminal gang tulad ng Kuratong Baleleng bagay na itinanggi naman ni Acorda dahil naibaba nito ng 9.1 percent ang kriminalidad sa lalawigan.
Eto ang sinasabi ko, dapat walang kiskisan ang PNP officials at local government executives dahil kung hindi ay walang mangyayari sa kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang krimen.
179 