PNP CHIEF SAPUL SA COVID

HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, pansamantalang liliban muna sa kanyang pwesto si Philippine National Police (PNP) chief Director General Dionardo Carlos makaraang magpositibo sa nakamamatay na COVID-19.

Sa isang pahayag, kinumpirma mismo ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang kinasadlakan ng pambansang hepe ng pulisya at maging ng kanyang security aide, staff at isang kasambahay na pawang nagpositibo sa COVID-19 batay sa resulta ng isinagawang RT-PCR test.

Boluntaryo namang nag self-quarantine si PNP Deputy Chief for Administration Lieutenant General Joselito Vera Cruz na aminadong na-expose sa isa pang COVID positive na pasyente.

Kwento pa ni Carlos, siya at ang kanyang close-in security at mga staff ay sumailalim sa RT-PCR testing nitong nakaraang araw ng Linggo matapos na makaranas ng sintomas ang isa sa mga staff (unang nagpositibo) na nakatalaga sa kanyang official residence sa loob ng Camp Crame sa lungsod ng Quezon.

Paglabas ng resulta – positibo si Carlos, kanyang driver at isang security aide.

“I experienced fever, chills and body sweats Sunday evening but come Monday 03Jan22, only lower back pain remains,” saad naman ng isang pahayag na ipinamahagi sa media.
Gayunpaman, wala naman aniyang dapat pang ipangamba dahil sa mabilis na pagbuti ng kanyang kalagayan.

“As of 9:30 ngayong umaga (kahapon) nasa 37.1 ang temperatura, 98 ang blood oxygen, normal to slightly elevated ang blood pressure, walang ubo, clear ang baga at BioFlu lang ang medikasyon.”
Payo naman ni Año sa heneral, magpahinga habang nasa quarantine.

Ayon naman kay Vera Cruz, kusa siyang nagself-quarantine makaraang mabatid na isa sa kanyang mga nakasalamuha nitong nakaraang Biyernes ay nagpositibo sa COVID-19.

Sa datos ng PNP, mayroon nang kabuuang 164 ang active COVID-19 cases sa hanay ng kapulisan, habang nasa 107 naman ang new infections. (JESSE KABEL)

211

Related posts

Leave a Comment