PNP GINAMIT NG BLUE STAR LABAN SA MGA DUMAGAT

OBLIGADONG kumilos si General Guillermo Lorenzo Eleazar laban sa grupo ng mga pulis ng Rizal na ginamit ng Blue Star ­Construction and Development Corporation laban sa mga Dumagat na nakabase sa Lungsod ng Antipolo hanggang bayan ng Baras.

Ang Dumagat ay mga katutubo na walang dudang kapwa nating mga Filipino.

Ang Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni Eleazar mula noong Mayo ay armadong yunit ng pamahalaan na itinakda ng batas na ­maglingkod at protektahan ang mamamayang Filipino.

Syempre, kabilang ang mga Dumagat at lahat ng mga katutubong Filipino na kailangan at obligadong ­paglingkuran ng PNP.

Sa ibang salita, hindi security agency ng Blue Star ang PNP.

At lalong hindi private army ng Blue Star kahit isang yunit, o grupo ng PNP, o kahit anong yunit ng Armed ­Forces of the ­Philippines (AFP).

Nakumbinsi akong talakayin dito sa BADILLA ­Ngayon ang isiniwalat ni Fernan Angeles dito sa SAKSI Ngayon hinggil sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng Blue Star na angkinin ang malawak na lupain, o ancestral domain, ng mga Dumagat mula sa Antipolo hanggang Baras.

Ayon sa isiniwalat ni Angeles, naging batayan ng Blue Star upang makuha at pabakuran nito ang lupain ng mga Dumagat ay ang Memorandum of Agreement (MOA) nito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang lumagda mula sa DENR ay si Secretary Regina “Gina” Lopez.

Samakatuwid, lumang kasunduan ang hawak ng Blue Star.

Si Secretary Roy Cimatu ang pinuno ngayon ng DENR.

Ngunit, mahigpit pa ring pinanghahawakan ng Blue Star ang MOA nito kay Lopez.

Dahil sa MOA, ang Blue Star na ngayon ang mayroong kapangyarihan at nasusunod sa malawakan na lupain ng mga Dumagat.

Sobrang laki ng pakinabang ng Blue Star sa lupaing pag-aari ng mga Dumagat sa napakahabang panahon dahil kumikita ang korporasyon ng milyun-milyong salapi mula rito.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon sa artikulo ni Angeles, “direktang inakusahan ng katutubong tagapamuno na si Ka Bador ang Blue Star Construction and Development Corporation ng panggigipit sa kanilang hanay gamit ang mga armadong grupo…”

Ang armadong grupo ay nagpapakilalang mga ­miyembro ng PNP at ng ­Philippine Army (PA).

Tinuran ni Ka Bador na “pilit silang pinalalayas sa lupang sakop ng kanilang ancestral domain ng nasabing construction company gamit ang isang Memorandum of Agreement na may lagda ng dating Environment Secretary Gina Lopez”

Kung susundin ang kasunduan ng DENR at Blue Star Construction and Development Corporation, umabot sa kabuuang 2,700-ektaryang lupain ang itinakdang “pangangalagaan” ng nasabing korporasyon.

Pokaragat na ‘yan!

Nagtagumpay ang Blue Star upang hindi makaporma at makapalag ang mga Dumagat dahil sa armadong grupong nagpakilalang mga pulis.

Ipinabatid sa akin na hindi naman nakabantay, o nakabase ang mga pulis sa lupaing ‘nakuha’ ng Blue Star, kundi dumadalaw-dalaw lamang ang mga ito.

Ngunit, kahit padalaw-dalaw lang ang mga pulis ay pihadong takot na takot ang mga Dumagat, sapagkat mayroong mga baril ang mga pulis.
Natural, takot na takot silang mabaril at mapatay.

Ito ang kagyat na problema, kaya PNP ang isinama ko sa pamagat ng paksa ng BADILLA Ngayon.

Panawagan ko kay ­General Eleazar na tawagan at pagsabihan ang direktor ng PNP sa Rizal na si Colonel Joseph Arguelles na alamin ang katotohanan hinggil sa papel ng mga pulis nito sa lupain ng mga Dumagat na pinangangalagaan umano ng Blue Star.

Mahirap pong nabubuhay sa matinding takot at walang kalaban-laban, lalo pa kung wala kang kasalanan.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #:09457016911

147

Related posts

Leave a Comment