NANINDIGAN ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na legal at naaayon sa batas ang pag-aresto sa dalawang aktibista sa kasagsagan ng kilos-protesta para sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Una rito, iginiit ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang agarang pagpapalaya kina human rights activist Edel Parducho at youth activist na si Three Odena.
Ayon kay Co, inaresto ang dalawa habang nakikiisa sa rally at posibleng sampahan ng kasong direct assault, disobedience, resisting arrest at paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act.
Diin ng mambabatas, batay umano sa mga video, marshall lamang si Parducho na pinoprotektahan ang ilang nanay sa umano’y panunulak ng pulis, habang si Odena ay kumukuha lamang ng larawan.
Ngunit depensa ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., umaksyon ang mga pulis alinsunod sa protocol matapos umanong sumiklab ang kaguluhan sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City.
Nilinaw ni Nartatez na may mahigpit na direktiba sa mga pulis na magpatupad ng “maximum tolerance.”
“Our protocols are clear: we exercise maximum tolerance. However, when our personnel are physically assaulted or when the safety of the public is at risk, we must act to restore order,” ani Nartatez.
Ayon sa PNP, hinuli ang dalawa matapos umanong mangbato sa hanay ng mga pulis at pigilan ang daloy ng trapiko sa EDSA southbound lane patungong EDSA Shrine.
Pitong pulis ang iniulat na nasugatan nang magpumilit umano ang ilang raliyista na okupahin ang kabilang lane at magmartsa patungong EDSA Shrine mula People Power Monument.
“Ang pag-aresto ay ginawa ayon sa batas. Kung may nagamit mang pwersa, it was only the minimum amount necessary to subdue the individuals and prevent further injury,” dagdag ng PNP chief.
Sa kabuuan, inilarawan ng PNP na generally peaceful ang pagdiriwang ng ika-40 taon ng EDSA People Power Revolution, bagamat nagkaroon ng bahagyang girian sa pagitan ng mga pulis at ilang grupo ng mga nagprotesta.
(JESSE RUIZ)
1
