PINASIMULAN na ng Philippine National Police–Internal Affairs Service ang pre-charge investigation laban sa anim na pulis ng Manila Police District na inaresto sa Makati City kaugnay ng umano’y robbery-extortion.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, inihahanda na ang mga kasong administratibo laban sa mga mapatutunayang sangkot.
Mariing iginiit ng PNP at NCRPO na hindi kukunsintihin ang kriminal na gawain ng sinomang pulis sa serbisyo. Saklaw ng imbestigasyon ang command responsibility, lalo na kung may pagkukulang sa pangangasiwa ng mga opisyal.
Matatandaang pansamantalang sinibak ang hepe ng MPD Malate Police Station-9 at ang buong Drug Enforcement Unit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay NCRPO Director MGen. Anthony Aberin, sasailalim ang mga sangkot sa serye ng imbestigasyon at hindi magdadalawang-isip ang PNP na tanggalin, sampahan ng kaso at ikulong ang mga mapatutunayang nagkasala.
Sa ngayon, nakakulong na ang anim na pulis at nahaharap sa patong-patong na kaso matapos ireklamo ng tatlong biktima na umano’y hinoldap sila sa Barangay San Isidro, Makati City.
(JESSE RUIZ)
5
