PNP INIIMBESTIGAHAN PAGBABALIK NG NINJA COPS SA MAYNILA

INIUTOS ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon laban sa mga miyembro ng Manila Police District-Drug Enforcement Unit (MPD-DEU) na inakusahang sangkot sa ilegal na pag-aresto, pananakit, at pagnanakaw sa ilang delivery riders sa Sampaloc, Maynila noong Setyembre 9.

Lumabas ang hinala na nabuhay ang mga tinaguriang ninja cops matapos magsumbong ang dalawang delivery riders na sila’y dinampot ng mga pulis, pinahirapan, at kinuhaan ng pera, gamit, at maging ng kanilang motorsiklo. Isa sa kanila ang nakatakas at agad nagsumbong sa National Police Commission (Napolcom), habang ang isa pa ay kalaunang pinalaya ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Bukod dito, isang bagong complainant na kinilalang si Nicole Owen Solleza ang naghain din ng reklamo laban sa 11 pulis ng MPD-DEU. Ayon sa kanya, sabay silang dinampot ng kanyang kapwa rider na si alyas “Chester” noong Setyembre 9 at kapwa nilang naranasan ang pananakit at pagnanakaw. Nauna nang naghain ng reklamo si “Chester” sa Napolcom noong Setyembre 12.

“We will not tolerate wrongdoing in our ranks. An investigation is underway, and those found guilty will face due process and appropriate charges,” pahayag ni Nartatez.

Kasabay nito, bineberipika rin ng PNP kung ang parehong grupo ng pulis ang sangkot sa isang drug raid na nakunan sa CCTV, kung saan namataan silang naglabas ng mga bag mula sa isang bahay.

(JESSE KABEL)

50

Related posts

Leave a Comment