NAIS ni Senate committee chairman on Games and Amusement Sen. Erwin Tulfo na magpaliwanag ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa susunod na hearing kung bakit patuloy na nag-ooperate ang mga online sabong gayong idineklara na itong ilegal ng pamahalaan noong nakaraan pang administrasyon.
Sinabi ni Sen. Tulfo, “Nakakasira na nga ng buhay, hindi pa nagbabayad ng buwis sa gobyerno itong dalawang operator ng illegal online sabong sa bansa”.
Humihingi umano ang Philippine Amusement ang Gaming Corporation (Pagcor) ng tulong sa PNP at NBI para mapasara ang mga ito ngunit wala namang nangyayari.
Duda ang Senador na hindi alam ng mga otoridad ang kinaroroonan ng mga sabungang ito na pinalalabas at pinupustahan sa online.
“Sa dami ng mga tao na may dala ng manok sa isang sabungan at may live video streaming sa loob, imposibleng hindi alam ng hepe o provincial director kung saan ang mga ito,” ani Tulfo.
“Bigyan ko sila ng tip, yung isa sa Central Luzon ang operation habang yung isa sa Region 4A pero ang may-ari taga-Cordillera,” dagdag pa ni Tulfo.
“Sa susunod na hearing namin, gusto ko sana na sarado na ang mga ito dahil di lang perwisyo sa pamilya, wala pang pakinabang ang gobyerno dito,” ayon sa mambabatas.
Iimbitahan umano ni Sen. Tulfo ang mga PNP provincial director ng Batangas at Pampanga pati na ang mga regional director ng Region 3 at 4A kasama na ang director ng Cordillera PNP.
“I am sure the new PNP Chief, Gen. Jose Nartatez and NBI-OIC Usec. Jessie Andres will be serious in this fight versus illegal gambling dahil kilala ko na derecho ang mga ito,” ani Sen. Tulfo.
“Kung gugustuhin kasi may pamamaraan na ipasara. pero kung may basbas mismo sa mga Police at NBI officials, hind ito matitigil,” aniya pa.
Dagdag pa ng Senador, “Daan-daang milyon ang kinikita ng mga may-ari at operator ng illegal online sabong sa isang buwan, pero ni-singko walang binabayad sa gobyerno”.
98 