PNP-PDEA misencounter ELEAZAR KAMPANTE SA RESULTA NG NBI PROBE

KAMPANTE si Philippine National Police chief Guillermo Eleazar sa kalalabasan ng isinasagawang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng naganap na misencounter sa pagitan ng mga operatiba ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency nito lamang nakaraang Pebrero sa Quezon City.

Una nang nagpahayag ang Department of Justice na isasara na nila ang pagsisiyasat hinggil sa madugong enkwentro kung saan nasawi ang apat katao kabilang ang dalawang pulis, isang PDEA agent at ang mismong impormante.

Ayon naman sa NBI, isusumite na nila kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang resulta ng kanilang imbestigasyon bago matapos ang buwan ng Agosto.

Pebrero 24 nang maganap ang engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA sa parking area ng Gotesco Mall sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

“The unfortunate incident between the anti-narcotics operatives of the PNP and the PDEA in Quezon City was a tragedy that we both learned a lot from. As a result of this, nagkaroon ng isang napakagandang coordination protocol na pinangunahan ko mismo at ni PDEA Director General Wilkins Villanueva na ngayon ay ipinapatupad na down to the ground level,” ani Eleazar.

“Makakasa ang ating mga kababayan na muli namin pag-uusapan ang anumang resulta ng imbestigasyong ito upang ma-improve pa ang coordination protocol na ginawa base naman sa perspektibo ng ating DOJ,” dagdag pa ng PNP chief.

Tumanggi namang magkomento si PDEA spokesperson Derrick Carreon kaugnay ng pahayag ni Eleazar.

“As already emphasized by our Director General we shall hold any comments until the official results are released by the NBI,” tugon ni Carreon.

Una nang lumagda ang sina Eleazar at PDEA chief Wilkins Villanueva sa isang joint memorandum circular noong Hulyo para sa pinag-isang mekanismo at alituntunin sa mga illegal drug operations bilang pagtiyak na hindi na mauulit pa ang madugong misencounter ng dalawang law enforcement groups.

“Last month the PNP and the PDEA signed a memorandum circular, outlining joint operational protocols, to prevent the recurrence of mis encounters between our operatives,” pagtatapos ni Eleazar. (JESSE KABEL)

172

Related posts

Leave a Comment