NAPANATILI ng Philippine Military Academy na COVID-19-free ang mga kadete at personnel ng pamosong military school mula nang ideklara ang community quarantine sa Baguio City dahil sa banta ng coronavirus.
Ayon kay Maj. Cheryl Tindog, tagapagsalita ng PMA, nananatiling ligtas sa COVID-19 ang mga kadete at kanilang mga personnel.
Pahayag ni Tindog, dahil ito sa mahigpit at maagang paghahanda ng PMA para hindi makapasok ang virus sa nasasakupan nito.
Taliwas ito sa naganap na COVID-19 infection sa loob ng Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite kung saan umaabot sa 232 kadete at 11 personnel ang nagpositibo sa coronavirus.
Nabatid na bago pa pumutok ang enhanced community lockdown sa maraming lugar ay isinailalim na sa preventive lockdown ang buong PMA at mahigpit na ipinatutupad sa mga kadete ang mga
alituntunin laban sa COVID-19 infection.
Sa ngayon, nananatiling sarado sa publiko ang PMA hangga’t walang ibinababang guidance mula sa mga kinauukulan.
Samantalang pinalawig naman ng PNPA hanggang Setyembre 30 ang ipinatutupad na lockdown sa kanilang akademya dahil sa 243 nagpositibo sa kanilang hanay na ngayon ay nananatiling nasa limang isolation facilities.
Nabatid na nasagawa ng mass testing sa loob ng PNPA noong September 8 kung saan umabot sa mahigit 200 kadete ang nagpositibo.
Ayon kay PNPA Director Major Gen. Gilberto Cruz, “”We deemed it necessary to extend the lockdown up to Sep. 30 kasi nga after the swabbing, cadets undergo isolation for 14 days plus 7 days just to make sure na everybody’s okay. That’s the recommendation of our health doctor here.”
Pinayapa naman ni Cruz ang pamilya ng mga kadete. “I can assure the families and relatives of the cadets na [they] are being taken care of. Their health is our priority here.” (JESSE KABEL)
107
