DAPAT maging handa ang gobyerno sa pagtugon sa posibilidad ng kakapusan sa suplay ng tubig kasunod ng mga ulat na bahagyang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam, ayon kay Senador Grace Poe.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na hindi katanggap-tanggap ang kakapusan ng suplay nito ngayong pandemya, lalo na’t ang paghuhugas ng kamay ay isang paraan para maiwasan ang virus.
“Kritikal ang tuluy-tuloy na serbisyo ng tubig na pangunahing pangangailangan sa lahat ng aspeto ng buhay, kalusugan at kabuhayan” aniya.
Iginiit pa ni Poe na dapat maagapan ng mga regulator ng pamahalaan at mga pribadong concessionaire ang problema habang nag-uumpisa pa lamang at bago pa ito tuluyang maging krisis.
“Kailangan din ang pakikipagtulungan ng mga industriya at tahanan bilang katuwang sa konserbasyon at episyenteng paggamit ng tubig, ani Poe.
“Nararapat na matutukan natin ang implementasyon ng ating pambansang programa sa tubig, maging ang mga inisyatibo sa ibang mapagkukunan nito, para matiyak ang matatag na suplay.
Hindi maaaring umasa na lamang sa awa ng kalangitan na magbigay ng ulan,” giit ng senadora.
Ayon kay Poe na ang muling pag-apruba sa prangkisa ng dalawang pangunahing water concessionaire sa bansa kamakailan ng Senado ay may kaakibat na hamon para sa mas mabuting serbisyo at pagpaplano upang matugunan ang pangangailangan at pagkakapantay-pantay ng lahat sa pagtanggap nito.
“Hindi dapat maging bahagi ng ating pamumuhay ang kakulangan sa tubig. Umaasa tayo sa reporma sa pamamahala at imprastrukturang karapat-dapat ilaan para ating mga kababayan bilang kanilang pangunahing karapatan, patapos ni Poe, chairman ng Senate committee on public services. (ESTONG REYES)
190 