WALONG pulis ang sugatan sa pagkahulog ng kanilang sinasakyang mobile patrol car sa bulubunduking bahagi ng Barangay Kapatagan, Digos City.
Patuloy na inoobserbahan sa iba’t ibang pagamutan ng lungsod ang mga biktima na pawang nagtamo ng seryosong mga sugat sa kanilang katawan.
Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang opisyal na sina Police Lt. Col. Ramon Armigos at Police Lt. Nico Avel Querubin at mga tauhan na sina Police Exe. Master Sgt. Eduardo Madanlo; Police
Staff Sgt. Anthony Acosta at mga patrolman na sina Melvin Villarta; Jino Dela Cerna, Rjay Tambis at Miguel Ugsimar, pawang nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion-PRO11 (RMFB-PRO11).
Ayon kay Digos City Police Office (DCPO) Director Police Lt. Col. Vici Anthony Tababa, nangyari ang insidente sa Sitio Lutangan, Barangay Kapatagan pasado alas-12 ng tanghali nitong Biyernes.
Nabatid sa imbestigasyon na patungo sana ang mga biktima sa isang event sa Sitio Lutangan para magtalaga ng seguridad sa pagdalaw roon ni PNP Chief General Guillermo Eleazar.
Habang binabagtas ng patrol car ang paakyat na bahagi ng bundok na tinatawag na “Files Peak” ay bigla na lamang itong nawalan ng kontrol at dumausdos hanggang bumulusok na sila sa bangin na may lalim na 300 hanggang 350 metro.
Mabilis na nakatawag ng saklolo ang isang police mobile patrol hindi kalayuan sa convoy ng tropa at nagsagawa agad ng rescue operations.
Ligtas na umano ang mga pulis na patuloy na ginagamot sa ospital. (JG TUMBADO)
874 