PAIIGTINGIN ang ‘police visibility’ bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang sa mga idedeploy ay mga tauhan ni Manila Police District Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, ng Public Information Office (PIO), magpapakalat ang MPD at NCRPO ng halos 23,000 pulis para matiyak ang seguridad sa SONA na gaganapin sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City sa darating na Hulyo 24.
Maglalagay ito ng isang mobile command center at magpapalipad ng drone.
“Inaasahan na natin ang pagkakaroon ng mga kilos protesta sa araw na ito kung kaya’t nakahanda na tayo para sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad. Mahigpit din nating ipatutupad ang maximum tolerance at pagsunod sa Police Operational Procedures, lalong-lalo na ang pagpapahalaga sa karapatang-pantao ng lahat ng makikilahok sa araw na ito lalo na dito sa atin sa Lungsod ng Maynila,” ani Dizon.
“Ang pagtatalaga ng NCRPO ng inyong kapulisan para sa SONA 2023 ay naglalayong tiyakin ang kaligtasan at kapanatagan ng lahat ng nais makilahok sa araw na ito,” ayon naman kay Major General Allan Edgar Okubo, NCRPO Chief. (RENE CRISOSTOMO)
671
