KINUWESTYON ng isang political analyst kung saan dinala ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo ang natanggap umanong kabuuang P3.3 bilyon pondo para sa imprastruktura at ayuda.
Sa pamamagitan ng social media platform X, ibinunyag ni Malou Tiquia na nakakuha si Quimbo ng P300 milyon budget para sa ayuda at P3 bilyong pondo para sa infrastructure projects.
Sa post ni Tiquia, nagtataka umano siya kung bakit nabigyan ng P300 milyong pondo na pang-ayuda si Quimbo gayong mayroon lang 260,749 botante ang Marikina City.
Ayon pa kay Tiquia, napakalaki ng agwat ng natanggap na pondo ni Quimbo para sa ayuda kumpara sa P20 milyon na natanggap ng ibang mga mambabatas.
Magugunitang kinuwestiyon ng mga ka-distrito ni Quimbo kung saan napunta ang pondo para sa flood control projects nito nang bahain ang iba’t ibang lugar sa Marikina.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Tiquia kay Quimbo sa nangyaring pagbabago nito, mula sa pagiging simpleng guro na naging imahe ng isang trapo o traditional politician.
Kasama ng X post ni Tiquia ang larawan ni Quimbo habang suot ang mamahaling damit, bag at mga alahas. Nalulungkot naman si Tiquia para sa mga taga-Marikina dahil isa si Quimbo sa pagpipilian nila sa mga kandidato bilang mayor sa 2025.
140