Pondo inusisa sa Kongreso DICT ‘INUTIL’ SA FREE WI-FI

BINUSISI sa Kamara ang kabiguan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maisakatuparan ang proyektong free wi-fi lalo na sa mga eskwelahan sa kabila ng pondong ipinagkaloob para rito.

Sa deliberasyon ng budget ng DICT sa Kamara, pinagdiskitahan ni House assistant minority leader France Castro ang hindi nagamit na pondo para sa libreng wifi ng nakaraang administrasyon ng nasabing ahensya.

Ayon sa mambabatas, taon-taon ay binibigyan ng bilyon-bilyong pondo ang DICT para sa libreng wifi subalit lumabas sa pagdinig na hindi ito nagamit.

Huling namuno sa DICT si dating Sen. Gregorio Honasan na hindi tinapos ang termino dahil tumakbo ito sa senatorial race noong 2022 subalit natalo.

“That’s the problem Mr. Chair meron nga tayong budget pero bakit ganun ang utilization. Ito yung pangangailangan, nasagasaan na tayo ng pandemya pero ganito pa rin kabagal yung pagi-install natin ng mga wifi sa mga eskuwelahan eh may budget naman pala na hindi nagagamit,” ani Castro.

Maging si DICT Secretary Ivan John Uy ay nagtataka kung bakit hindi naipatupad ang proyekto subalit hindi umano nito matanong ang nakaraang administrasyon.

“Hinihingan ho sana rin namin ng paliwanag yung previous ano (admin) kung bakit ho? Nabigay yung budget na suporta ng Kongreso bakit hindi nila nagamit eh ang laki-laki ng pangangailangan on the ground. We have the same question as you do po but I assure you po during my watch that will not happen,” paliwanag ni Uy.

Dahil dito, tinanong ni Castro si Uy kung incompetent ang nakaraang administrasyon ng DICT na sinagot naman ng Kalihim ng “Kayo na po nagsabi nun hindi ako”.

Unang ipinatupad ang libreng wifi noong 2016 subalit 9% lamang umano ang nagamit sa kanilang pondo, 1% noong 2017, 81% noong 2018; 82% noong 2019; 9% noong 2020 at 15% lamang noong 2021. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment