PONDO NG DILG PARA SA RESETTLEMENT PROGRAM, PINALILIPAT SA DHSUD

INIREKOMENDA ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na ire-align ang multi-milyong resettlement program funds sa ilalim ng panukalang 2021 budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa bagong tatag na Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang P243 bilyong budget ng ahensya sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program (NEP), binigyang-diin ni Tolentino kay DILG Sec. Eduardo Año na ang P87.289 milyong alokasyon para sa Resettlement Government Assistance Fund (RGAF) ay may kinalaman sa pabahay at dapat ibigay bilang dagdag pondo sa kabubuo lamang na Housing Department.

Ipinaliwanag ni Tolentino na hindi na kailangan ng DILG ang RGAF sapagkat mayroon nang ahensyang pormal na nakatutok sa pabahay at kalabisan lamang ang pagkakaroon ng nasabing pondo para sa ahensya.

Pabor naman si Año sa panukala ni Tolentino subalit iginiit na ang alokasyon ay hindi lamang para sa relokasyon, bagkus ay para rin sa iba pang bagay na may kinalaman sa reporma sa pamamahala.

Samantala, iginiit ni Tolentino sa budget hearing na dapat na rin mailipat mula DILG patungong DHSUD ang higit sa P10 milyong pondo para sa Muslim Resettlement Relocation Services Fund sa mga napinsala ng digmaan sa Marawi City.

Sinabi ni Tolentino, nakabitin at nanganganib ngayon sa Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni DHSUD Sec. Eduardo Del Rosario dahil sa kawalan ng pondo at pormal na plano para sa pabahay. (DANG SAMSON-GARCIA)

163

Related posts

Leave a Comment