PONDO SA RH LAW HILING IPRAYORIDAD

ISINISI ng isang mambabatas sa Kamara ang 51% unintended o hindi sinasadyang pagbubuntis sa Pilipinas, sa kakarampot na pondo na inilaan sa implementasyon ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act o mas kilala bilang RH Law.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, pangunahing may akda ng nasabing batas, mula sa dating P2.5 billion na pondo ng RH law noong 2013 nang unang ipatupad ang nasabing batas, pababa nang pababa ito hanggang sa maging P842-million na lamang noong 2022.

Dahil dito, mula 2015 hanggang 2019 aniya ay umakyat sa 51% ang hindi sinasadyang pagbubuntis sa bansa base sa report ng United Nations Population Fund (UNFPA).

Hindi aniya ito nakapagtataka dahil limitado ang suporta ng gobyerno sa mga magulang para sa pagpaplano ng kanilang pamilya dahil tinipid ang pondo para sa programang ito.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa administrasyon ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na iprayoridad ang nasabing batas sa bibigyan ng pondo para sa taong 2023.

Ipinaliwanag ni Lagman na mas malaki ang matitipid ng gobyerno kapag nakontrol ang paglaki ng populasyon at maiwasan ang mga hindi sinasadya o wala sa planong pag-aanak.

Sa pag-aaral aniya ng New York-based na Guttmacher Institute, P3 hanggang P100 ang matitipid sa bawat material care cost kapag naiwasan ang hindi sinasadyang pagbubuntis.

Dahil dito, kailangang maibalik ang bilyon-bilyong pondo ng RH law upang magkaroon ng modern contraception at nang mabawasan kundi man tuluyang mawala ang kaso ng hindi sinasadyang pagbubuntis. (BERNARD TAGUINOD)

469

Related posts

Leave a Comment