PORMAHAN NA PARA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION

PUNA ni JOEL O. AMONGO

BAGAMA’T dalawang taon pa bago dumating ang 2028 Presidential Election, ngayon pa lang ay nagpopormahan na ang mga politikong nais tumakbong presidente.

Kabilang sa lumutang na mga pangalan ay sina Naga City Mayor Leni Robredo, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Raffy Tulfo at Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla.

Minsan na rin pinalutang ang pangalan ni Irene Marcos na kapatid ni BBM.

Posibleng pagpiliang mamanukin ng BBM admin sina Irene Marcos, Sec. Remulla at Sen. Tulfo.

Maaaring magsanib-pwersa naman sina Hontiveros at Robredo ng Makabayan Bloc, pinklawan at dilawan.

Kamakailan, nagpahayag si Trillanes na nais nilang makipagsanib-pwersa sa kampo ni BBM para banggain si Vice President Inday Sara Duterte.

Siyempre, alam ni Trillanes na malakas ang kampo ng mga Duterte at hindi nila kakayanin na talunin si VP Sara.

Kahit pa sumama sila sa administrasyon ni Junjun Marcos ay hindi pa rin nila kayang itaob si VP Sara. Iba ang hatak ng mga Duterte sa mga Pilipino.

Sa pinakabagong survey, lumabas na nakapagtala ng -3% si BBM, samantalang si VP Sara Duterte ay nakakuha ng +28%.

Ayon sa ilang political analyst, kung ngayon gaganapin ang Presidential Election ay si VP Duterte ang mananalo.

May mga political analyst na nagsasabing magiging “kiss of death” ang endorsement ni BBM sa 2028 Presidential Election dahil sa kontrobersiya sa flood control projects.

Ito ay dahil sa mga ipinangako ni Junjun Marcos na hindi natupad lalo na sa pagpapakulong ng incumbent na mga kongresista, senador, cabinet secretaries at undersecretaries ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na nadawit sa korupsyon sa DPWH.

Tanging si dating senador Bong Revilla ang nakakulong ngayon mula sa mga mambabatas, sina dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, DPWH engineers, Curlee at Sarah Discaya naman mula sa mga kontratista at iba pa.

Nananatili namang ‘di pinatatawag ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Panfilo Lacson si dating Executive Secretary Lucas Bersamin at apo nitong si Usec. Adrian Bersamin.

Kaya ‘di nakapagtataka na patuloy na tumataas sa survey si VP Sara, dahil kahit wala siyang allocables mula sa pondo ng gobyerno ay pilit siyang iniintriga ng mga ayaw sa kanya na tumakbo siya sa 2028 Presidential Election.

Alam kasi ng mga korap ngayon na ‘pag si VP Sara ay nanalong presidente ay mawawalisin sila pagkatapos ng 2028 Presidential Election.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

2

Related posts

Leave a Comment