“KUMUSTA NA”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

PEBRERO. May isang araw ng mga puso. May komemorasyon din ng 1986 EDSA people power revolution. Maraming aktibidades dito sa huli. Martsa, asembleya ng protesta, prayer rallies, balik-tanaw, ilalabas muli ang news clippings at lumang litrato na pawang nakataas ang tikom na kamao kasama ang yellow ribbons.

Makabayan ang damdamin ng lahat. Bumabaha ang sentimentalismo sa saliw ng awiting “Bayan Ko”. Ginugunita ang ilang araw na ipinamalas ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkakaisa sa matagumpay na pagpapatalsik sa diktadura ni G. Ferdinand Marcos, ang pagpapalayas sa kanyang pamilya at cronies na kinupkop naman ng Amerika. Sumaludo sa atin ang buong mundo.

Ito ang taunang ritwal natin noon na unti-unti na ring nawawala ngayon.

Pumasok sa isipan ko ang awit na may titulong “Kumusta na” (walang question mark) ng paborito kong grupo – Yano. Sinulat ang liriko ng idolo kong makabayang mang-aawit na si Dong Abay. Sapul na sapol niya ang senaryo noong “EDSA People Power” at ang kalagayan ng mga Pilipino pagkalipas ng makasaysayang apat na araw.

“Napanood kita sa tv, sumama ka sa rally; Kasama ang mga madre, pinigilan mga tangke; Umiiyak ka pa sa harap ng mga sundalo; Namigay ka pa ng rosas na nabili mo sa kanto.”

“Dala-dala mo pa, estatwa ni Sto. Nino; Eskapularyo’t Bibliya, sangkatutak na rosaryo; At sa gitna ng EDSA, lumuhod ka’t nagdasal pa; Our Father, Hail Mary from thy bounty thru Christ our Lord amen.”

“Pebrero, bente-sais nang si Apo ay umalis; Ngiti mo’y hanggang tenga sa kakatalon, napunit ang pantalon mo; Pero hindi bale, sabi mo, marami naman kame; Kahit na amoy pawis, tuloy pa rin ang disco sa kalye”.

“Nakita kita kahapon, may hila-hilang kariton; Huminto sa may Robinson, tumanga buong maghapon;
Sikat ka noon sa TV kase kasama ka doon sa rally; Pero ngayo’y nag-iisa, naglalakad sa may EDSA”.

“Kumusta na, ayos pa ba? Ang buhay natin, kaya pa ba? Eh kung hindi, paano na?
Ewan mo ba, bahala na.

##########

Ngayon, pagkalipas ng 40 taon, kumusta na ang kalagayan ng sambayanang Pilipino? May naganap bang positibong pagbabago sa ating pamumuhay, sa gobyerno, at bansa pagkatapos ng kaganapan sa EDSA?

Tayong mga ordinaryong mamamayan. Tanungin natin ang ating mga sarili. Iisa tiyak ang ating kolektibong tugon – walang pagbabago sa buhay natin. Hindi lang bumalik sa dati. Ngayon ay mas lalong naging grabe pa ang ating kahirapan. Bagama’t nawala na ang diktadura, malaya na tayong magpahayag kahit laban sa gobyerno pero madalas naman ay kabingihan ang tugon sa ating mga hinaing at hiling na pagbabago. Minsan naman ay pandarahas at kapag minamalas-malas – “salvage o extra-judicial killings” kagaya pa rin noon. At ang mas nakasusuka at nakagagalit, hindi nawala ang korupsyon sa gobyerno. Nanatili pa rin. At ngayon ay lalo pang dumami ang mga manderekwat sa salapi ng taong bayan.

Sayang. Isang pagkakataon sana ang kaganapan sa EDSA para magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating lipunan at gobyerno. Pero inalpasan natin ito. Nawala ang pagpapatuloy ng pakikibaka para makongkreto ang tagumpay. Ipinaubaya na lang natin ang direksyon ng bansa sa mga bagong diyos-diyosan na pumalit kay Marcos at kanyang mga kakutsaba. Nanood na lang tayo sa paglipas ng mga taon at nakukuntento sa taunang ritwal ng pagbabalik-tanaw sa EDSA.

At ang pinakamatindi, inihalal natin bilang pangulo ng bansa si PBBM, ang anak ng sinipang diktador. Ngayon ay muli na naman silang naghahari sa gobyerno kasama ang mga kauri nila at mga gasgas na politiko. At tulad ng inaasahan, inalis niya sa listahan ng mga deklaradong piyesta opisyal ang Pebrero 25. Papayagan ba niyang ipagdiwang ang araw na pinalayas ang kanilang pamilya mula sa sariling bansa? Siyempre hindi. Pero patuloy pa rin tayo sa sentimental na komemorasyon tuwing Pebrero kahit na hungkag ang kabuluhan nito. Tsk, tsk, tsk, Ibang klaseng lahi talaga ang mga Pilipino.’

##########

Pagkatapos ng EDSA I at EDSA II na sinipa naman sa puwesto si dating Presidente Joseph Estrada noong 2001 dahil sa malawakang korupsyon at pandarambong sa gobyerno, may magaganap pa kayang isa pang mala-EDSAng pagkilos ang mga Pilipino laban sa nakaupong pangulo o sinomang tatargetin ng kolektibong galit ng taong-bayan?

Wala na. Suntok na ito sa buwan. Bakit?

Sa Facebook na lang kasi ngayon ang daluyan ng galit at pagmumura sa gobyerno at sa mga tiwaling tauhan at opisyal ng estado. At dahil matindi na rin ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga Pilipino dahil sa pulitikahan at parang tangang pagsunod sa kanilang mga idolong politiko kahit na nasa loob na ito ng piitan, wala nang puwang ang pagkakaisa kahit pa ang nakataya ay ang kinabukasan ng bansa at susunod na henerasyon ng Pinoy.

Nakapokus ang panahon ng marami sa Facebook. Tungayawan, batuhan ng putik, baho at pakikipagpalitan ng intriga sa sinomang nasa kabilang bakod ng pulitika. Ultimo ngang ;yung magkakapanalig na sa layunin ay hindi rin magkaisa sa paraan, porma at lugar ng kilos-protesta – kagaya ng isinagawang “Trillion Peso March” laban sa korupsyon nitong nakaraang taon sa EDSA at “Baha sa Luneta” rally. Nagpataasan ng ihi. Kaya malabong muling magkaroon ng malawak na kapit-bisig sa saliw ng “Bayan Ko” sa mga hinaharap na panahon.

Ang resulta – diretso lang sa pagpapasasa ang mga manderekwat sa pondo ng gobyerno. Batid nilang hanggang sa Facebook lang ang galit ng taong-bayan. ‘Yung mga dinampot, ikinulong at kinasuhan dahil sa anomalya ng flood control projects ng DPWH? Ginawa lang silang exhibit upang mabawasan ang galit ng taong-bayan hanggang sa tuluyan nang mawala sa kukute ng mga Pilipino ang anomalya.

Isa pang EDSA pipol power? Napapangisi lang ang mga dorobo. Hindi ka ba nagagalit o nalulungkot man lang?

“Kumusta na, ayos pa ba? Ang buhay natin, kaya pa ba? Eh kung hindi, paano na?
Ewan mo ba, bahala na. Ewan mo ba, bahala na
Bahala na, bahala na”

11

Related posts

Leave a Comment