MULING nadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na positibo sa mas nakakahawang Omicron variant, ayon mismo sa Department of Health (DOH). Ang huling biktima – asawa ng ika-apat na biyaherong inanunsyong positibo ng kagawaran nito lamang nakaraang Lunes.
Sa tala ng DOH, lima na ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng Omicron variant na ayon sa mga eksperto ay 500 ulit na mas nakakahawa kumpara sa Delta variant.
Pagtitiyak naman ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, natunton na nila ang mga close contacts ng 38-anyos na babaeng bumiyahe papasok sa bansa nitong nakaraang Disyenmbre 10 mula sa Estados Unidos.
“Her husband turned positive also. He’s currently in the isolation facility,” ayon pa sa tagapagsalita ng departamento.
Aniya, nakakuha na rin sila ng sample mula sa asawa ng babaeng ika-apat na kaso ng Omicron variant, at isasailalim na rin sa genome sequencing. Inaasahan naman ng opisyal na lalabas ang resulta ng naturang proseso sa loob ng 48 oras.
Gayunpaman, nagpahayag ng pagkabahala si Vergeire sa kinakaharap na hamon ng departamento.
“What we are challenged with right now would be the submissions of laboratories in our epidemiology and surveillance units to immediately submit these samples to the Philippine Genome Center so we could immediately process and release the results at once,” saad ni Vergeire.
Ayon pa sa DOH, lumabas ang resulta ng pagsusuri sa pinakahuling positibo sa Omicron variant noong Disyembre 25, at nakatakda na rin aniyang isailalim sa isa pang pagsusuri sa Martes.
Kasalukuyang naka home quarantine ang pinakahuling pasyente matapos makumpleto ang pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19.
Pagtitiyak ni Vergeire, naka-quarantine na rin ang pamilya at mga close contacts ng mag-asawang biyahero.
Samantala, patuloy pang hinahagilap ng mga contact tracers ng pamahalaan ang iba pang sakay ng Philippine Airlines flight PR 127. (RENE CRISOSTOMO)
