POWER COMPANIES AT TELCOS, PINAGHAHANDA SA BAGYONG BISING

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa mga electric power, distributors at companies na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente sa mga lugar na maapektuhan ng bagyong Bising.

“Malakas ito dahil super typhoon, marami tayong mga lalawigan ay tingin ko ay makakaranas ng malakas na hangin at ang ginagawa ng mga utilities natin, mga distributors, lalo na mga kooperatiba ay nagpe-preempt sila,” saad ni Gatchalian.

“Ibig sabihin pinapatay muna nila ang kuryente para kapag pumasok ang bagyo ay hindi makuryente ang kanilang mga constituents at nagkakaroon sila ng paghahanda para hindi magkaroon ng aksidente sa kanilang mga constituents,” dagdag pa nito.

Kasabay nito, inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga network company na tiyaking sapat ang mga tauhan sa mga lugar na tatamaan ng Bagyong Bising.

Sa nilagdaang memorandum order ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, ipinahahanda rin ang mga generator na may extra fuel, tools at spare equipment.

Ayon sa NTC batay sa abiso ng PAGASA ang Typhoon Bising ay maaring magdulot ng hanggang sa malakas at kung minsan ay matinding pag-ulan sa Eastern Visayas at Camotes Islands.

Inatasan din ang mga telco na madaliin ang repair at restoration ng telecommunication services sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.

Sinabi ni Cordoba na dapat ay makapagsumite ng status updates ang mga telco kada anim na oras sa kanilang isasagawang restoration activities.

Pinagtatalaga rin ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations ang mga telco sa mga lugar na mawawalan ng koneksyon.

Paalala ng NTC sa mga telco, makipag-ugnayan sa mga LGU at tiyaking susundin ang health protocols. (DANG SAMSON-GARCIA)

141

Related posts

Leave a Comment