PPE PA LANG YARI NA ANG MGA PASYENTE

HINDI na ako magtataka kung bakit ayaw magpa-check-up ng mga tao sa hospital lalo na sa mga pribado dahil sa Personal Protective Equipment (PPEs) na gagamitin ng health workers sa mga pasyente ay nakamamatay na ang presyo.

Isa ako sa mga ­natutuwa na kahit papaano ay ­karamihan sa mga hospital ngayon ay wala na silang COVID-19 patients at matindi pa rin ang paghihigpit ng mga pagamutan kahit pababa na ang mga kaso ng virus na nagsimula sa Wuhan, China at kumalat sa buong mundo.

Pero kapag may mahal sa buhay na kailangan mong ipa-check-up dahil inuubo dahil siguro malamig na ang panahon, ay hindi kaagad tinatanggap ng emergency room dahil ang ubo raw ay isa sa mga sintomas ng COVID-19.

Hindi pinapapasok ang pasyente sa ER at pata­tambayin ka sa labas ng ER at doon iinterbyuhin ang kaanak ng pasyente. ­Nakakagalit lang dahil emergency na naturingan pero hindi ka­agad aasikasuhin.

Kahit ubo lang at walang lagnat, walang sipon ay agad na idedeklara na ‘suspected COVID-19’ at kailangang ilagay ang pasyente sa tent kung saan may suspected COVID-19 patients” na ka­sama ng pasyente mo.

Tapos sasabihin sa iyo ng mga staff ng ER na ang gastos sa PPE ay P15,000 na agad dahil kailangan ang 6 na PPE para i-monitor ang pasyente at P2,500 ang ­bawat PPE na gagamitin ng medical practitioners.

Hindi pa riyan kasama siyempre ang professional fees at pasilidad kaya kung mahirap ang pasyente ay magdadalawang-isip ka at ang masakit pa diyan baka mahawa sa COVID-19.

Puwede naman siguro na ipa-RT-PCR test agad ang pasyente ‘di ba, para isang gastusan na lang. May P2,700 na RT-PCR test na kaya bakit mo pagagastusin ang pasyente ng P15,000 sa PPE bago mo siya ipa-RT-PCR para malaman kung negatibo o positibo sa COVID-19?

Nawala na ba talaga ang ‘sense of humanity’ sa mga pribadong hospital? Hindi ­naman siguro lahat pero meron pa rin ang gustong pagastusin muna nang katakot-takot ang isang pasyente.

Kaya pala marami ang ayaw magpa-check-up sa hospital kahit kailangan dahil sa PPE pa lamang ng ­doctor at nurses na titingin sa isang pasyente na may isa sa ­napakaraming sintomas ng COVID-19, eh yari na sila!

200

Related posts

Leave a Comment