PRC, NAGBUKAS NG BAGONG CONVALESCENT PLASMA CENTER SA PORT AREA

INIHAYAG ni Senador Richard Gordon na binuksan ng Philippine Red Cross (PRC) ang bagong Convalescent Plasma Center sa National Blood Center nito sa Port Area, Maynila na magsisimula ang operasyon sa Hulyo 13, upang labanan ang corona virus disease 2019 (COVID-19).

Sa pahayag, sinabi ni Gordon, chairman at CEO ang PRC, na kanilang binuksan ang pasilidad upang makatulong sa pasyente ng COVID-19 dahil pinatunayan ng mga medical expert sa Philippine General Hospital na mahusay ang convalescent plasma therapy bilang epektibong panggagamot, sa 90% ng pasyente na na gumaling mula sa sakit.

“Pinilit naming magkaroon ng convalescent plasma center para mabigyan ng pag-asa ang mga kababayan natin na may COVID. “Yung mga nagkaroon na ng COVID at gumaling ay maaaring magbigay ng dugo para maisalin sa ibang nakikipaglaban pa sa COVID. Ayon sa mga doctor sa PGH, nine out of 10 ang nakaka-recover dahil sa convalescent plasma. Nagkaroon bigla ng pag-asa ang mga may COVID. Ito ay isa sa mga armas natin laban sa COVID,” aniya.

Sa ilalim ng convalescent plasma therapy, ang plasma mula sa COVID patient na gumaling sa sakit ay isasalin sa pasyente na lumalaban pa sa COVID. Mayroon neutralizing antibodies ang convalescent plasma na makatutulong sa sinalinan nito na gumaling sa impeksiyon.

“’Yung interesadong magbigay ng dugo pag gumaling na sila sa COVID, pwede po kayong tumawag sa aming hotline 09175820499 o sa 143, mas mabilis po nang sa gayon ay makakatulong na tayo kaagad. Napakahalaga nito. Mabibigyan ng dugo ang mga nangangailangan at mabibigyan ng pag-asa. Isa ito sa mga armas natin laban sa COVID. Pag nabigyan ka niyan, may panlaban ka.

Magbigay na kayo ng dugo. Kung kayo pinatawad na ng Panginoon at binigyan ng panibagong buhay, lalo kayong magiging dakila kung magbibigay kayo ng dugo dito sa convalescent plasma center dito sa Red Cross,” panawagan ng PRC chairman sa blood donors. (ESTONG REYES)

165

Related posts

Leave a Comment