LABIS na ikinaalarma ng Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang patuloy na nabibiling pre-registered subscriber identity module (SIM) cards sa Facebook Marketplace na maaaring gamitin para sa ilegal na aktibidad.
“Nakikita mo dun pre-registered cards for sale. Minsan nakalagay used SIM cards for sale,” ani PAOCC executive director Gilbert Cruz.
“Siguro dagdagan pa natin ng safety nets ‘yung pag nagreregister ng cards. Dapat every card may accountable person. Hindi po pwede ibenta ito ng bultuhan,” aniya pa rin.
Taong 2022, tinintahan ang RA 11934 o SIM Registration Act upang maging ganap na batas. Layon nito na tapusin ang krimen gaya ng text at online scams sa pamamagitan ng pag-regulate ng pagbebenta at paggamit ng SIMs at rehistrasyon sa end-users.
Sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na may pangangailangan na amyendahan ang SIM Card Registration Act at makabubuti kung iparerehistro ang SIM cards na ”personal”. (CHRISTIAN DALE)
